414 total views
Pinuri ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine (CBCP) ang paninindigan ng Korte Suprema sa desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na pagsasantabi ng electoral protest ni dating Senator Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ng CBCP–Episcopal Commission on the Laity, naaangkop ang desisyon ng electoral tribunal lalu’t makailang beses na ring napatunayan na walang basehan ang protesta ni Marcos laban sa pagkapanalo ni Vice President Leni Robredo.
“I congratulate the Supreme Court sa kanilang desisyon na binasura itong protesta ni Bongbong Marcos kasi napatunayan naman talaga na wala namang bisa, wala namang halaga yung kanyang protesta kahit na nga sinabi niya na nagkaroon ng manual count ay hindi naman lumabas sa manual count na may pandaraya na nangyari,” ang bahagi ng pahayag Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag pa ng Obispo, bigo rin ang ang kampo ni Marcos na patunayang nagkaroon ng dayaan sa 2016 Presidential at Vice Presidential Elections. Naniniwala rin ang Obispo na napapanahon nang tapusin ang usapin na limang taon nang nakabinbin at sa halip ay pagtuunan na ng pansin ng problema ng bayan lalu na ang Covid-19. Kinilala rin ni Bishop Pabillo ang paninindigan ng Korte Suprema na sa kabila ng political pressure ay patuloy na nanindigan para sa katotohanan.
“Ito po ay malaking tulong din sa ating Vice President na hindi na niya haharapin itong nakabantang problemang ito at patuloy siya sa paggawa ng trabaho kaya nakakatuwa rin po ang desisyon ng Supreme Court at dito ipinapakita rin ng Supreme Court yung kanyang pagiging independent na hindi siya nagpadala, alam ko may mga pressure ding nangyayari dyan sa Supreme Court pero nanindigan siya para sa katotohanan at para sa ano bang dapat gawin.”
Dagdag pa ni Bishop Pabillo. Ayon kay Supreme Court (SC) spokesman Brian Keith Hosaka, nagkakaisa ang mga hukom bilang electoral tribunal sa desisyong isantabi laban protesta ni Marcos kay Vice President Robredo na lumamang ng 263,000 boto.