604 total views
Hinikaya’t ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na magsisi at magbalik loob sa Panginoon sa kanilang pagtanggap ng ‘abo’ na tanda ng kababaang loob.
Paliwanag ni Bishop Pabillo ang abo ay tanda ng pagtanggap ng pagiging makasalanan at ng pagpapakumba sa Panginoon.
“Kung tatanggap lamang tayo ng abo na hindi naman tayo nagpapakumbaba hindi naman tayo nagsisi, pagkukunwari ang ating ginagawa. At alam ko, ngayong pandemic may mga kasama tayo ngayon na nakikinig sa atin na hindi makakatanggap ng abo kasi di naman kayo makakalabas hindi makapupunta sa simbahan. Pero kung tayo ay nagsisi, kung tayo ay nagpapakumbaba para na ring tumanggap tayo ng abo. Ang mahalaga ay ang tinatanda niya, hindi lamang ‘yung tanda,” bahagi ng homiliya ni Bishop Pabillo.
Panawagan din ng obispo sa mga hindi makatatanggap ng ‘tanda’ dahil na rin sa limitasyon dulot ng patuloy na banta ng pandemya na magsisi, magpakumbaba at talikdan ang kasalanan.
“Tandaan po natin ang abo na tinatanggap natin ‘yan po ay panlabas na tanda lamang na sumasagisag ng ‘attitude’ at dalawang attitude ang tinatanda ng abo, una ang attitude ng pagpapakumbaba kaya isang formula na sinasabi habang nilalagyan tayo ng abo sa ating ulo ay tandaan mo tao ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik,” ayon kay Bishop Pabillo.
Kalakip din ng pagtanggap ng tanda ang hamon sa bawat isa tungo sa pagsisi, pagpapanibago at pagtupad sa gawi ng Panginoon. Ang mahalaga ayon kay Bishop Pabillo na bukod sa pagtanggap ng tanda ay ang pagsisikap na magsisi sa mga nagawang kasalanan at ang pagtalikod sa maling gawain.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa misang ginanap sa Veritas chapel para sa pagdiriwang ng Ash Wednesday ang hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma. Ang Kuwaresma ay paghahanda sa Pasko ng muling Pagkabuhay ni Hesus matapos ang kanyang pagpapakasakit sa Krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Una na ring naglabas ng panuntunan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Liturgy na nagbibigay nang pahintulot na mag-aaring magdala at magwisik ng ‘abo’ ang pinuno ng isang pamilya para sa kaniyang mga kaanak.