5,539 total views
Tiniyak ng pinuno ng House Quad Committee ang paglalantad at pagpapanagot sa mga opisyal ng pamahalaan na nagtaksil sa bansa sa pakikipagsabwatan sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sangkot sa kalakalan ng droga, human trafficking, at money laundering.
Ito ang inihayag ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers sa ikaanim na pagdinig ng joint panel na nag-iimbestiga sa koneksyon ng POGO, kalakalan ng droga, pangangamkam ng lupain ng mga Chinese national, at sa sinasabing extra judicial killings na iniuugnay sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.
Kinondena rin ni Barbers, na siya ring chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang mga opisyal ng gobyerno sa pagpapahalaga ng kanilang sariling interes sa halip na kapakanan ng taong bayan, dahil sa pakikipagtulungan sa mga sindikato at gumawa ng mga karumal-dumal na krimen tulad ng pagpatay, pagpapahirap, at human trafficking.
“Di alintana ang kapahamakang idudulot sa bayan, itong mga traydor na ito ay hinayaang yumabong at lumaki ang impluwensya at kapangyarihan ng mga sindikatong ito, basta lamang mapuno ang mga bulsa ng kayamanang kapalit ng dangal ng bayan,” pagdidiin pa ni Barbers.
Sinabi ni Barbers na sa mga nakalipas na pagdinig ay nailantad na ang mga POGO ay ginagamit lamang bilang ‘front’ o pantakip para sa iba’t ibang illegal na gawain.
Natuklasan din sa mga pagdinig ng Quad Committee kung paano ginamit ang drug money upang impluwensyahan at mga tiwali sa gobyerno, para magkaroon ng pekeng Filipino identity, at sa mga POGO na makakuha ng malalawak na lupain at mga ari-arian.
“Lahat po ito ay nangyari sapagkat nakipagsabwatan sa kanila ang mga kawani ng gobyerno. Kapalit ang salapi, pumayag at hinayaan ng mga kawani at matataas na opisyal ng gobyerno na sila ay magamit bilang mga protektor, kinatawan, at mistulang nag-abogado para sa mga POGO na ito,” punto pa ni Barbers.
Iginiit ni Barbers na layunin ng patuloy na imbestigasyon ng komite ay hindi lamang ilantad ang mga sangkot, kundi ang paglikha ng naangkop na batas upang hindi na maulit ang ganitong uri ng mga pang-aabuso sa hinaharap.
Ilan sa mga iminumungkahing panukalang batas ay ang pag-angkop sa U.S. Racketeer Influenced and Corrupt Organizations (RICO) Act, pag-amyenda sa Anti-Dummy Law, at muling pagsusuri sa Special Investors Resident Visa Program.