1,667 total views
Bilang bahagi ng paghahanda laban sa papalapit na malakas na bagyo, pangungunahan ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang pagdarasal ng Oratio Imperata.
Ito ay gaganapin ngayong araw ganap na alas-12 ng tanghali, alas-3 ng hapon at alas-6 ng gabi at sabayang pagrorosaryo sa alas-8 ng gabi.
Inaanyayahan din ang lahat na makiisa sa pananalangin na ang layunin ay hingin ang kaligtasan ng lahat mula sa pinangangambahan pananalasa ng bagyong Rolly.
Ayon kay kay Archbishop Tirona, bukod sa paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo ay mahalagang hingin ang proteksyon ng Mahal na Ina, Our Lady of Peñafrancia at ng Divino Rostro.
Disyembre noong nakalipas na taon nang manalasa ang Category 4 Typhoon Kamuri o Bagyong Tisoy sa rehiyon ng Bicol kung saan higit sa 100-libo katao ang inilikas habang apat katao ang naitalang nasawi.
Bukod sa simbahan ng Bicol, inaanyayahan din ng Prelatura ng Infanta ang mga mananampalataya para sa pagdarasal ng Oration Imperata upang ipag-adya ang bansa mula sa pinsala ng malakas na bagyo.
Ang Oratio Imperata (Obligatory Prayer) ay isang maigsing panalangin na iminumungkahi ng obispo ng simbahan lalu na sa matinding pangangailangan kabilang na ang kalamidad dulot bagyo, lindol, digmaan, salot at pagkagambala sa kapayapaan ng publiko.
Una na ring inihayag ng PAGASA na posibleng maging isang Super Typhoon ang Bagyong Rolly na inaasahang mananalasa sa Bicol Region at mga lalawigan sa Quezon.