2,695 total views
Tiniyak ng NASSA/Caritas Philippines ang kahandaan na agad makapag-paabot ng tulong para sa mga diyosesis na maaapektuhan ng pananalasa ng bagyong Rolly sa bansa.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National Chairperson ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, mayroong aktibong pakikipag-ugnayan ang NASSA/Caritas Philippines sa mga Social Action Centers ng iba’t-ibang diyosesis na maaring masalanta ng bagyo.
Ibinahagi ng Obispo ang kahandaan ng disaster plans ng iba’t-ibang diyosesis na posibleng masalanta ng bagyong Rolly batay na rin sa pinakahuling ulat at pakikipag-ugnayan ng mga SAC Directors sa NASSA/Caritas Philippines.
“Caritas Pilipinas is in touch and direct contacts with all our social action centers in all dioceses that may be affected by typhoon Rolly. Caritas is ready to send fund assistance if and when needed by the dioceses damaged by this. Almost all dioceses are now ready with their disaster plans as of yesterday’s contacts.”pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radyo Veritas.
Nanawagan rin ang Obispo sa lahat ng mamamayan sa mga lugar na posibleng madaanan ng bagyong Rolly na sumunod sa payo at mga abiso ng lokal na pamahalaan, Simbahan at ng mga ahensya na nangangasiwa sa pagtiyak ng kaligtasan ng lahat upang maiwasan ang anumang sakuna.
Hinimok rin ni Bishop Bagaforo ang lahat na mag-alay ng panalangin at hingin ang pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria upang ipag-adya ang bansa mula sa kapahamakan dulot ng nasabing sama ng panahon.
Iginiit ng Obispo na ang pananalangin at ang pagdadasal ng Santo Rosaryo ay isang mabisang sandata at proteksyon mula sa anumang kalamidad at sakuna.
“Panawagan po natin sa lahat ng madadaan ng bagyong Rolly na sundin po ang mga payo ng ating LGUs at Simbahan na maghanda po.. Malakas po itong bagyo! Higit sa lahat po ay mag-alay tayo ng dasal. Tested and proven po, please pray the Holy Rosary at hingin natin po ilayo tayo sa kapahamakan.. Na sana yakapin tayo ng pagmamahal ni Mama Mary…” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Kaugnay nito, bahagi ng mandato ng mga Social Action Centers ng bawat diyosesis at arkediyosesis ay ang pagtiyak sa Disaster Risk Reduction Response ng bawat ng Simbahan upang tulungan ang mga nangangailangan at maaring maapektuhan ng iba’t-ibang kalamidad.
Naunang tiniyak ng mga Diocesan Social Action Centers ang kahandaan na tumulong at pagiging bukas ng mga simbahan sa mga residenteng lilikas.