10,653 total views
Supotado ng Commission on Human Rights ang panukalang pagpapalawig sa Emergency Repatriation Fund (ERF) sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 8042 o mas kilala bilang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act.
Nakapaloob sa House Bill 09388 na inihain ni OFW Partylist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang pagbibigay ng awtoridad sa batas para sa pagtatatag ng mga pansamantalang tirahan o temporary shelters ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa mga host country at halfway houses sa Pilipinas para sa mga repatriated OFWs.
Ayon sa Komisyon ng Karapatang Pantao, napapanahon ang naturang panukala lalo na sa gitna ng patuloy na mga nagaganap na kaguluhan, natural na mga sakuna at iba pang krisis sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Pagbabahagi ng CHR, mahalaga ang naturang hakbang upang matiyak ang kaligtasan, makatao at marangal na kalagayan ng mga OFW maging sa gitna ng iba’t ibang sitwasyon.
“In the face of ongoing global conflicts, natural disasters, and other crises in different parts of the world, the Commission recognizes that these initiatives are essential in ensuring that our kababayans are provided with safe, humane, and dignified living conditions during their most vulnerable times.” Bahagi ng pahayag ng CHR.
Alinsunod sa Article XIII, Section 3 ng 1987 Constitution mandato ng Estado na itaguyod ang kapakanan at mabigyang ng ganap na proteksyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) saan mang panig ng mundo na nakapaloob din sa Article 25 of the Universal Declaration of Human Rights na pagbibigay halaga sa karapatan at dignidad ng isang indibidwal na makapamuhay ng ligtas at walang pag-aalinlangan sa kanyang kaligtasan.
Iginiit ng CHR na nararapat na maging handa at mapagbantay ang pamahalaan sa kapakanan ng mga OFW na nagbibigay ng malaking tulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
“With wars and disasters displacing countless individuals, it is important that the State remains vigilant in safeguarding the rights and welfare of Filipino migrant workers. The CHR fully supports the passage of HB 09388 and calls on our legislators to prioritize the well-being of our OFWs—ensuring that no Filipino is left behind.” Ayon pa sa CHR.
Sa datos ng pamahalaan, umaabot na sa 10-milyon ang mga Filipino na nagtatrabaho at naninirahan sa ibayong dagat na unang kinilala ng Santo Papa bilang ‘smugglers of faith’ dahil sa masigasig na pagpapahayag ng pananampalataya at pagiging katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa mga bansang kanilang pinaglilingkuran.