8,966 total views
Naghahanda na ang social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa isasagawang 3rd Caritas Bike for Kalikasan sa Cagayan de Oro.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, maituturing na mahalaga ang gawaing ito lalo na sa konteksto ng nagpapatuloy na krisis sa kalikasan.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na ang Bike for Kalikasan ay paraan upang maipakita ang kahandaan ng bawat isa na kumilos para mapangalagaan ang nag-iisang tahanan.
“The Earth, our common home, is groaning as in childbirth, suffering from the exploitation and degradation we have inflicted upon it. As people of faith, we cannot stand idly by. The Caritas Bike for Kalikasan is our way of showing that we are ready to act with hope and responsibility, striving to renew and restore Creation,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Isasagawa ang bike caravan sa October 5, 2024 mula alas-5 ng umaga kung saan magbibisikleta ng 26-kilometro mula sa Xavier University paikot sa Cagayan de Oro City, at magtatapos sa Gaston Park malapit sa Saint Augustine Metropolitan Cathedral o Cagayan de Oro Cathedral.
Inihayag ni Bishop Bagaforo na ang sama-samang pagbibisikleta para sa kalikasan ay pagpapahayag ng pag-asa at patuloy na pagtupad sa pangakong tiyakin ang makatarungan at matatag na hinaharap para sa sangnilikha.
“As we pedal together through the streets of Cagayan de Oro, we are making a statement that we are ready to partner with Creation and work tirelessly for its preservation,” saad ni Bishop Bagaforo.
Katuwang ng Caritas Philippines sa gawain ang Archdiocese of Cagayan de Oro, Ecology Care, Ad Extra Ministries, at Archdiocese of Cagayan de Oro – Social Action Center.
Bahagi ito ng pakikiisa ng social arm ng CBCP para sa pandaigdigang pagdiriwang ng Season of Creation 2024 na may temang “To Hope and Act with Creation.”
Sa mga nais makibahagi sa gawain, bisitahin lamang ang facebook page ng Caritas Philippines o makipag-ugnayan kina Ms. Donna Echalico sa numerong 0995-096-9175 o kay Ms. Jing Rey Henderson sa 0905-546-9977.