314 total views
Isinusulong ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang masusing imbestigasyon hinggil sa Malampaya Deepwater Gas-to-Power Project na nabili ng Udenna Corporation na pagmamay-ari ng negosyanteng si Dennis Uy.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity, nakakabahalang mapasailalim ang Malampaya sa pagmamay-ari ng kumpanyang wala namang sapat na kakayahan sa pagpapatakbo nito.
“Imbestigahan talaga [kung] paano napapunta sa isang grupo na walang capitalization [at] walang track record ang ownership [ng Malampaya] at lalo kay Dennis Uy na may koneksyon sa China,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Nakuha ni Uy – isang bilyonaryo mula sa Davao City at kilalang malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang 90 porsyento ng shares ng Malampaya sa pamamagitan ng Udenna Corp.
Napag-alaman din sa mga ulat na ang mga negosyong pagmamay-ari ni Uy ay mayroong koneksyon sa China na patuloy namang inaangkin ang mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Sinabi naman ni Bishop Pabillo na may bahid ng korapsyon at personal na interes ang usapin ngayon ng Malampaya dahil nakakapagtakang nakuha agad ni Uy ang malaking bahagi nito sa maikling panahon lamang.
“So, paano ngayon napunta sa kanila ang ownership nito na halos 90 percent ng ownership sa Malampaya? So, it’s more on the corruption basis,” ayon kay Bishop Pabillo.
Tinatawag na Malampaya Consortium ang kasunduan sa pagitan ng tatlong kumpanya na dating nagmamay-ari ng Malampaya.
Ang mga kumpanyang ito ay ang Shell at Chevron na parehong nasa 45-porsyento ang shares, at ang Philippine National Oil Company (PNOC) na pagmamay-ari ng pamahalaan na nasa 10-porsyento naman ang shares.
Ngunit noong 2019, binili ng UC Malampaya – subsidiary ng Udenna Corp., ang hati ng Chevron habang ngayong taon naman ay binili na rin nito ang hati ng Shell.
Ang Malampaya ang nag-iisang natural gas field sa ilalim ng karagatan sa bansa na mayroong sukat na 83-libong ektarya at matatagpuan humigit-kumulang 80-kilometro mula sa hilagang-kanluran ng Palawan.
Batay sa pagsusuri, 29 porsyento ng natural gas na nagmumula rito ay ang kontribusyon sa kabuuang power generation ng Luzon o katumbas ng 21 porsyento ng kabuuang power supply ng bansa.