5,398 total views
Tiniyak ng Union of Metro Manila Cooperatives (UMMC) ang pagbubuklod-buklod sa mga kooperatiba sa National Capital Region upang higit na matulungan ang mga pinuno, opisyal at kawani tungo sa pag-unlad.
Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual – UMMC Chairman sa pagdaraos noong October 25 ng Metro Manila Cooperative Congress sa Manila Hotel.
“Isang biyaya sa harap ng bagyo na naipagpatuloy natin ang ikatlong Metro Manila Cooperative Congress ngayon sa Manila Hotel, mahigit isang libo na mga general managers, board of directors officers ng mga kooperatiba sa Metro Manila ang naririto upang mag-aral at palalimin ang kanilang kahuyasan sa pamamahala o management and excellence,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Panalangin ng Pari na sa tulong ng gawain at sa patuloy na paggabay ng UMMC ang higit na pag-unlad ng mga kooperatiba at mga kamay-ari nito.
Hinimok din ni Fr.Pascual ang hindi pa kasapi sa mga kooperatiba na alamin at sumapi sa mga kooperatiba upang ang bawat isa ay magkaroon ng pagkakataon na mapabuti ang estado ng kanilang buhay.
“Naway lalong mapalakas ang mga kooperatiba dahil ito po ay nagpapalakas ng ekonomiya sa grassroots at para umunlad at umasenso ang buhay ng ating mga kababayan lalong lalo na ng mga mahihirap naniniwala po tayo sa Cooperative power kayat sumali po tayo mga kapanalig sa inyo, sa mga kooperatiba sa parokya, sa Baranggay, kompanya at nawa sa pamamagitan ng kooperatiba magkaisa tayo para sa kabuhayan at maghari ang katarungan sa ating bansa,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Pascual.
Sa tala, umabot sa isang-libong mga opisyal, kawani at miyembro ng mga kooperatiba ang nakiisa Metro Manila Cooperative Congress na ngayong taon ay ginunita ang temang “𝐌𝐚𝐧𝐚𝐠𝐢𝐧𝐠 𝐟𝐨𝐫 𝐄𝐱𝐜𝐞𝐥𝐥𝐞𝐧𝐜𝐞: 𝐓𝐡𝐞 𝐂𝐨𝐨𝐩 𝐄𝐱𝐩𝐞𝐫𝐢𝐞𝐧𝐜𝐞 #𝟐𝟎𝟑𝟎”.
Naging pangunahing katuwang ng UMMC ang mga sponsors at partnered agencies and cooperatives partikular na ang Cooperative Development Authority National Capital Region Cluster, Regional Cooperative Development Council at ONE-COOP.