15,203 total views
Naniniwala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na bukod sa pagtiyak ng katapatan ng sistema ng halalan sa bansa ay mahalaga ring tutukan ang paghuhubog sa katapatan ng mismong mga botante.
Ito ang binigyang diin ni PPCRV Executive Director Jude Liao kaugnay sa patuloy na suliranin ng vote buying at vote selling tuwing panahon ng halalan sa bansa.
Ayon kay Liao, mahalagang tutukan ang paggabay sa mga botante sa pamamagitan ng values formation program na muling paiigtingin ng PPCRV bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at matapat na eleksyon sa Pilipinas.
Pagbabahagi ni Liao, napapanahon ng mamulat ang mga botante sa kahalagahan ng paninindigan para sa bansa sa pamamagitan ng hindi pagbibenta ng kanilang boto para sa panandaliang pagkakaroon ng salapi mula sa mga kandidato.
“More than the system its actually also the voters, diba grabe pa rin po ang vote buying natin sa Pilipinas aminin man natin sa hindi. Kaya talagang napakahalaga yung formation program and values formation program natin ay bumaba [hanggang sa mga simpleng mamamayan] para talagang makita nila na ang vote buying bibilhin yung boto mo para may makain kasi diba laging survival ang issue, but sana makita natin bilang Pilipino na long-term.” Bahagi ng pahayag ni Liao sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Liao, dapat na maunawaan ng mga botante na sa kabila ng tukso na dulot ng anumang halaga na ibibigay ng mga kandidato ay hindi matatawaran nito ang pang-matagalang epektong dulot ng pagbibenta ng kanilang boto.
“Ang isipin natin pagdating sa election hindi lang short-term na porket inabutan tayo ng ganito o ganun, dahil pwedeng may inabot nga ngayon pero yung long-term naman ay hindi ganun kaganda ang magiging karanasan natin, so yun yung isa sa mga bagay na tiningnan namin at syempre samo’t dalangin din namin sa PPCRV.” Dagdag pa ni Liao.
Bilang pagpapaigting sa values development program ng PPCRV ay nakatakdang ilunsad sa ika-10 ng Setyembre, 2024 ganap na alas-3 ng hapon sa Dusit Thani Hotel sa Makati ang TIBOK PINOY na layuning hubugin ang mga botante sa pagiging isang mabuting, matapat at modelong mamamayan bilang paghahanda na rin sa nalalapit na 2025 Midterm Elections sa susunod na taon.
Una ng binigyang diin ni 1987 Constitutional Framer at Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. na kapwa may pananagutan ang mga pulitiko at botante sa talamak na Vote Buying tuwing sasapit ang halalan kung saan iginiit din ng Obispo na walang obligasyon ang sinuman na tupdin o tuparin ang isang immoral na kasunduan tulad na lamang ng Vote Buying na tila pagbibenta ng bayan sa kamay ng mga pulitiko na pansariling interes lamang ang pinahahalagahan.
Alinsunod na Omnibus Election Code nangunguna sa listahan ng election offense ang Vote Buying at Vote Selling kung saan nasasaad sa nasabing batas na sakaling mapatunayan ay mahaharap ang bumili ng boto at mga kinasangkapan nito gayundin ang humingi o tumanggap ng anumang halaga sa pagkakakulong ng isa hanggang anim na taon, bukod dito maari din madisqualify ang isang pulitiko mula sa public office at maaring mawalan ng karapatan na bumoto.