20,055 total views
Ikinatuwa ng Diocese of Tagbilaran ang pagkatalaga kay Fr. Eliseo Napiere ng Mission Society of the Philippines bilang ecclesiastical superior ng Missio Sui Iuris (independent mission) ng Funafuti sa Tuvalu na bahagi ng Pacific Island.
Tiwala si Bishop Alberto Uy na magagampanan ni Fr. Napiere ang panibagong misyon na iniatang ng simbahan na pagpapastol sa mga katoliko na minorya lamang sa lugar.
Hiling ni Bishop Uy sa mananampalataya lalo na ng mga taga Diocese of Tagbilaran na ipanalangin ang tungkuling gagampanan ng Boholanong pari.
“Being the ecclesiastical superior, who oversees the Missio sui Iuris, is no easy task. As Bishop of Tagbilaran I ask the faithful to offer prayers for Father Napiere as he starts his role as leader of the Catholic Church in the independent mission,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Itinalaga ng Vatican nitong June 3 si Fr. Napiere bilang kahaliling pastol kay Filipino Bishop Reynaldo Getalado na itinalagang coadjutor bishop ng Rarotonga sa Cook Island.
Ibinahagi ni Bishop Uy na naging contemporary nito si Fr. Napiere sa Immaculate Heart of Mary Seminary sa Tagbilaran City.
Si Fr. Napiere na tubong Maribojoc Bohol ay ipinanganak noong June 14, 1965 habang naordinahang pari January 19, 1991.
Ilan sa mga naging gawaing pagmimisyon matapos maordinahan ang pagiging parish vicar ng Blessed Sacrament, Reclamation Area sa Cebu City; naging kasapi ng General Council at Bursar General ng MSP; naging misyonero sa Taiwan kung saan nagsilbing executive secretary ng Chinese Regional Bishops’ Conference, Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kasabay ng pamumuno sa Stella Maris Taiwan.
Sa pagkatalaga ni Fr. Napiere kasalukuyan itong naglingkod bilang kura paroko ng Saint James the Less sa Perris na sakop ng Diocese of San Bernardino sa Amerika.
Bilang ecclesiastical superior pangangasiwaan ng pari ang simbahang katolika ng Funafati, Tuvalu na isang porsyento lamang o katumbas sa 110 mananampalataya sa humigit kumulang 11-libong populasyon ng bansa.
Ang Missio sui Iuris ay isang independent mission na itinatag ng simbahang katolika sa mga lugar na hindi maaring ideklarang diocese o iba pang uri ng catholic jurisdiction.
Ito ay sa ilalim ng pangangasiwa ng Dicastery for Evangelization na kasalukuyang pinamunuan nina Pope Francis at Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle.