515 total views
Hiniling ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo sa mamamayan ang pagkakaisa at pagbubuklod-buklod ng mga pamilya.
Ito ang dalangin ng Kardinal kaugnay sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Mag-anak nina Hesus, Maria at Jose.
Umaasa si Cardinal Quevedo na sa tulong ng biyaya at grasyang dulot ni Hesus na isinilang ay maging daan upang mas mapagtibay ang bawat pamilya sa kabila ng mga hamong kinaharap sa buhay bunsod ng pandemya.
“May the Christ Child and the Holy Family pour down and strengthen every family with God’s abundant blessings this Christmas and throughout the New Year 2021,” pahayag ni Cardinal Quevedo sa Radio Veritas.
Una nang kinilala ng simbahan ang pagtatag ng bawat pamilya sa gitna ng naranasang pandemya kung saan sa pagpatupad ng community quarantine ay mas umigting ang samahan ng mga pamilya na nanatili sa loob ng mga tahanan.
Sa isang pahayag noon ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy sinabi nitong mas pinag-uugnay ng Panginoon ang bawat pamilya at nabuo ang munting pamayanan o simbahan.
Mensahe ng mga pastol ng simbahan sa mga pamilya na paigtingin ang pananalangin sa Diyos upang maging gabay at kanlungan sa bawat suliraning kakaharapin.
Ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak ay ipinagdiriwang ng simbahang katolika tuwing linggo makaraan ang pasko ng pagsilang ni Hesus.