250 total views
Ipinagtataka ng Obispo ng Cubao ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, kabaliktaran ang sinasabi ng survey na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 7-porsiyento sa katotohanang marami pa rin ang bilang ng mga nagugutom na pamilyang Pilipino at mga walang trabaho.
Sinabi ni Bishop Ongtioco na repleksyon dapat ng isang maunlad na bansa ay ang kabawasan sa bilang ng mga Pilipinong kumakalam ang sikmura.
Iginiit ni Bishop Ongtioco na mayayamang negosyante at kapitalista lamang ang nakikinabang sa paglago ng ekonomiya at hindi nararamdaman ng mga mahihirap ang Trickledown Theory na naunang binanggit ni Pope Francis.
Binigyan diin ng Obispo na dapat maipa – abot ang serbisyo publiko sa mga pinakamahihirap na miyembro ng lipunan.
“Kapag sinabing maraming nagugutom dumadami ibig sabihin hindi lahat ng tao nakikinabng sa ekonomiya, ilan lang siguro, yun ang dapat bigyan ng pansin. Sa pagsisikap nating pagandahin ang ekonomiya hindi lamang yung konti ang nakikinabang ngunit marami, lahat, kung lahat ay mababawasan ang nagugutom,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Veritas Patrol.
Bago naman bumaba sa pwesto si Pangulong Benigno Aquino III nakapagtala lamang ng 7 porsyento ng paglago sa ekonomiya, kung saan nalampasan pa ng bansa ang karatig nitong rehiyon sa Asya sa unang quarter ng 2016.
Batay naman sa survey ng Social Weather Stations (SWS), mula sa 2.6 million na pamilyang nagugutom sa huling bahagi ng 2015 ay tumaas ito sa 3.1 million sa unang quarter ng 2016. Lumabas din sa survey ng S-W-S sa unang quarter ng taong 2016 na pumalo sa mahigit 11-milyong Pilipino ang walang trabaho. Nakapagtala naman ang Hapag – Asa ng Archdiocese of Manila ng mahigit sa 1-milyong benepisyaryo nito sa feeding program lalo na sa mga pinakamahihirap na diyosesis sa bansa.