1,872 total views
Patuloy ang panawagan ng mga residente ng Sitio Mariahangin sa Bugsuk, Balabac, Palawan para sa agarang tulong upang mapaalis ang mahigit 50 armadong blueguards na nananatili pa rin sa isla.
Kabilang ang nasabing grupo sa halos 100 guwardiyang dumating sa lugar noong April 4, 2025, na nagdulot ng matinding takot sa mga katutubo, na karamiha’y Molbog at Cagayanen, dahil sa pangambang mapalayas mula sa lupaing ninuno.
Sa pagbisita ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona noong April 13, ibinahagi ng mga residente ang nararanasang panliligalig na may kaugnayan sa binabalak na pagtatayo ng eco-resort ng isang korporasyon.
Ayon kay Angelica Nasiron, nais lamang nilang mamuhay nang payapa at walang iniisip na banta ng sapilitang pagpapalayas.
“Ngayon kasi, Bishop, makarinig lang kami ng kakaibang tunog, natataranta na kami. Pakiramdam namin, laging may parating na mga kalaban,” ayon kay Nasiron.
Simula nang dumating ang mga armadong guwardiya, nagpatuloy ang pagba-barikada ng mga residente upang mabantayan ang komunidad mula sa anumang banta ng pananakot o pagsalakay.
Sa kabila nito, nakaalerto naman ang mga tauhan ng Police Mobile Force Company na naatasang magbantay sa kaligtasan sa Sitio Mariahangin.
Tiniyak naman ni Bishop Mesiona sa mga residente ang pakikiisa ng simbahan at binigyang-diin ang kahalagahan ng pananalig at pagiging mahinahon sa gitna ng pagsubok.
“Gusto namin magbigay ng pag-asa sa inyo, maiparamdam na may nagdarasal para sa inyo, na may gustong makinig sa inyong mga hinaing… ’Wag lang mawalan ng pag-asa; makakamit din natin ang tagumpay… Magmahinahon lang kayo at huwag magpadala sa bugso ng damdamin,” ayon kay Bishop Mesiona.
Nakasama ng obispo sa pagbisita sina Fr. Diego Orcino, SVD, kura paroko ng Sto. Niño de Macadam Parish sa Rio Tuba na may saklaw sa Mariahangin, at Fr. Jumen Arcelo, OSM, kura paroko ng Our Lady of Guadalupe Parish, Luzviminda, Puerto Princesa.
Tinatayang nasa 96 na pamilya ang naninirahan sa Sitio Mariahangin, kung saan 12 pamilya rito ang mga Katoliko.