3,477 total views
Palalakasin at palalawakin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga programang makakatulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng bawat Pilipino.
Ito ang tiniyak ng PhilHealth sa ginanap na PhilHealth Summit and Konsulta Member Registration 2023 nitong Hunyo 03, 2023.
Ayon kay PhilHealth Corporate Communication Department Senior Manager Rey Baleña, layunin ng summit na paigtingin ang kamalayan ng publiko hinggil sa PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) Package.
Paliwanag ni Baleña, ito’y pinalawak na primary care services para mapagaan ang pasanin ng bawat Pilipino sa iba’t ibang pangangailangang pangkalusugan.
“Nakasaad sa Universal Health Care Law, tayong lahat ng Pilipino dapat ma-assign sa isang primary care provider of our choice. Kaya sa bahagi ng PhilHealth, tumutulong kami doon. Nag-a-accredit kami ng mga Konsulta providers para talagang ma-obliga na ‘yung mga miyembro na magre-register sa kanila ay maalagaan,” pahayag ni Baleña sa panayam ng Radio Veritas.
Bukod sa primary care services, saklaw din ng Konsulta Package ang laboratory o diagnostic examination, at ilang mga maintenance medicines.
Sinabi ni Baleña na ang lahat ng miyembro ng PhilHealth ay maaaring makakuha ng Konsulta Package sa pamamagitan ng pagre-register sa mga accredited Konsulta facility.
“Kaya tulungan n’yo po kami na maka-accredit pa kami ng maraming qualified na providers. Mas maraming providers, mas magiging accessible ito sa marami,” ayon kay Baleña.
Maliban sa Marikina City, ilan pa sa mga lugar na kasabay na naglunsad ng PhilHealth Konsulta Summit ay ang Bataan; Lucena City, Quezon; Naga City, Camarines Sur; Iloilo City; Mandaue City, Cebu; General Santos City; at Cagayan de Oro City.
Sa huling tala ng PhilHealth, nasa kabuuang bilang na 1,967 ang healthcare facilities sa bansa na accredited bilang Konsulta Providers.
Suportado naman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang mga layunin ng pamahalaan upang higit na maisulong ang Universal Health Care Law na makakatulong sa pagpapabuti ng sektor ng kalusugan ng bansa para sa kapakanan ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap.(Michael)