1,508 total views
Ikinagalak ng Alyansa Tigil Mina ang pagbawi at paghinto ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) sa mining operations sa Sibuyan Island, Romblon.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, ito ang resulta ng matatag na paninindigan ng mamamayan ng Sibuyan upang patuloy na mapangalagaan ang isla laban sa ilegal na pagmimina.
“This is a victory of the struggle of Sibuyanons and their deep commitment to protect their natural resources and beautiful environment in Sibuyan Island,” pahayag ni Garganera.
Gayunman, paalala ni Garganera na hindi ito nangangahulugang tapos na ang pakikipaglaban ng Sibuyan bagkus pagpapatuloy ng nasimulang pagsisikap na mas bantayan ang kaligtasan ng isla at pamayanan sa pagpasok ng mga mapaminsalang proyekto.
Nitong Pebrero 6 ay naglabas ng pahayag ang APMC at inanunsyo ang kusang loob na paghinto sa ‘exploration activity’ sa Sibuyan Island.
Nakasaad sa pahayag ng mining company na layunin nitong mapanatili ang pagiging responsable sa kalikasan at pakikipag-ugnayan sa mga pamayanan.
“Our priority is to maintain peace and order, to ensure the concerns and well-being of the Sibuyanons, and to ensure that no parties are negatively impacted by our operations,” bahagi ng pahayag ng APMC.
Samantala, iginiit naman ni Bayay Sibuyanon president Rodne Galicha na mananatili ang paninindigan ng mamamayan ng Sibuyan kahit na tumigil na ang operasyon ng mining company sa isla.
Muli namang tinukoy ni Galicha ang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan upang agarang maglabas ng cease and desist order laban sa APMC, at patuloy na bantayan ang mga gawain ng kumpanya sa kabila ng anunsyong pagtigil ng operasyon.
“We still urge Department of Environment and Natural Resources to issue a cease and desist order and eventually revoke the mining company’s Mineral Production Sharing Agreement. We urge the Philippine Coast Guard and the Bureau of Customs to act on the hauled nickel ores and the presence of barges and an international ship. Ang laban ng Sibuyan ay laban ng buong Sambayanan,” ayon kay Galicha.
Nauna nang nagpahayag ng suporta si Romblon Bishop Narciso Abellana sa pagkilos ng mga residente ng Sibuyan Island, at iginiit na dapat pangalagaan ang isla lalo’t itinuturing ito bilang Galapagos of Asia dahil sa natatanging ganda at hitik sa likas na yaman.
Batay sa datos, nasa isang porsyento lamang ang ambag ng industriya ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa.