292 total views
Pagsikil sa karapatang bumoto ng mga Filipino ang mga panukalang batas na naglalayong ipagpaliban sa ikatlong pagkakataon ang Barangay at SK election na nakatakda sa ika-14 ng Mayo, 2018.
Ito ang binigyang diin ni National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel) Secretary General Eric Alvia.
Ayon kay Alvia, ang halalan ay isang batayan at mahalagang salik sa pagkakaroon ng demokrasya ng bansa na hindi lamang nagsusulong ng pag-unlad sa larangang pang-ekonomiya ng bansa kundi maging pangpolitika at pagkabuuang panglipunan.
Iginiit ni Alvia na naaangkop lamang na maging regular ang halalan at paggamit ng mamamayan sa natatanging kapangyarihan na pumili ng lider.
“Tahasan na po itong pagpigil sa ating mga karapatan para mamili o bumoto kasi alam naman natin ang eleksyon para pre-condition yan sa demokrasya to promote hindi lang economic development pati social and political development isa pa kailangan natin ng isang regular na halalan para ma-exercise nga itong karapatan na ito mas lalo na yung sa pinakamababang political unit sa Barangay at SK…” pahayag ni Alvia sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa ilalim ng Administrasyong Duterte, dalawang beses nang ipinagpaliban ang pagsasagawa ng halalang pambarangay noong October 31, 2016 at noong nakalipas na taon October 23, 2017.
Naunang binigyang diin ni PPCRV Chairperson Rene Sarmiento na hindi na katanggap-tanggap ang hakbang ng ilang mambababatas na paglabag sa karapatan sa pagboto ng mga mamamayan.
Read: Postponement ng Barangay at SK election,labag sa karapatang bumoto ng mamamayan