10,329 total views
Nagpahayag ng pagkilala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kabataang aktibong nakilahok sa katatapos na 2025 Midterm National and Local Elections.
Ayon kay Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth, nakapagbibigay pag-asa para sa kinabukasan ng bayan ang masiglang pakikibahagi ng mga kabataan sa eleksyon na indikasyon ng pagiging isang mabuting mamamayan at pagsusulong ng pagpapahalaga at pagmamalasakit sa bayan.
Ito ang mensahe ng Arsobispo matapos na ibahagi ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia, na ang mataas na voter turnout sa nakilapas na halalan ay dahil sa masiglang partisipasyon ng kabataan.
Umaasa naman si Archbishop Alarcon na tuwinang isaalang-alang ng mga kabataan ang kapakanan ng bayan sa pamamagitan ng patuloy na pangangarap at pagsusumikap na maging mabuting kasapi ng pamayanan.
“Maraming salamat sa mga kabataan na nakilahok sa Midterm Elections. Nakapagbibigay pag-asa ang inyong pakikilahok. Good Citizenship, wika natin, ito ay pagpapahalaga, pagpapakita ng malasakit sa bayan. Sana ay patuloy nating isaalang-alang ang kapakanan ng nakararami ng bayan. Patuloy tayong mangarap at magsipag para sa bayan at para sa ating mga pamayanan.” Bahagi ng pahayag ni Archbishop Alarcon sa Radyo Veritas.
Nanawagan naman ang Arsobispo sa bawat kabataan na sa kabila ng pagtatapos ng halalan ay patuloy pa ring makisangkot at makibahagi sa pagsusulong ng pagbabago at pag-unlad sa bayan lalo na para sa kapakanan ng mga mahihirap at maliliit na kasapi ng lipunan.
“Panalangin at pakiusap sa mga kabataan na pagkatapos ng Eleksyon/Halalan, patuloy tayong makilahok at mag-ambag para sa pagbabago tungo sa pag-unlad, lalo na para sa mga maliliit at mahihirap -para sa lahat. Pagpalain ang mga kabataan.” Dagdag pa ni Archbishop Alarcon.
Bilang spiritual director naman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ay nanawagan si Archbishop Alarcon sa mga kabataan na makibahagi sa patuloy na isinasagawang pagsusuri ng PPCRV sa katapatan ng resulta ng nagdaang halalan sa pamamagitan ng pakikiisa sa ginagawang unofficial parallel count at manual audit sa PPCRV Command Center na matatagpuan sa PLDT Building sa Sampaloc, Manila.
“Isang panawagan din para sa mga kabataan na magvolunteer sa Command Center ng PPCRV. Patuloy pa ng gawain, nangangailangan pa ng volunteers.” Ayon pa kay Archbishop Alarcon.
Naitala ng Commission on Elections (COMELEC) ang pinakamataas na voter turnout sa kasaysayan ng midterm elections sa Pilipinas ngayong taon na umabot sa 81.65% kung saan sa kabuuan mahigit 55.87-million na botante ang bumoto mula sa naitalang 68.43-million na rehistradong botante ngayong taon.
Una ng inihayag ng COMELEC na 63% sa halos 69-na milyong mga rehistradong botante ang maituturing na kabataan na kinabibilangan ng mga Gen Z at Millennials na nasa eedad 18-taong gulang hanggang 44-taong gulang.