6,951 total views
Nagpahayag ng pagkabahala si Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, kaugnay ng pagkaka-aresto sa labing-isang katutubong residente ng Barangay Mariahangin sa Balabac, Palawan noong May 15.
Sa pahayag ng pagsuporta, mariing kinundena ni Bishop Mesiona ang pagkakakulong ng mga katutubo na nahaharap sa kasong grave coercion matapos sapilitang dalhin sa Brooke’s Point.
Ayon sa obispo, ang mga inaresto ay karaniwang mamamayan na mapayapang ipinagtatanggol lamang ang karapatang manirahan at maghanapbuhay sa lupang minana mula sa kanilang mga ninuno.
“We stand in solidarity with the indigenous people of Mariahangin, Balabac, in their defense of their right to live peacefully on the lands inherited from their ancestors,” pahayag ni Bishop Mesiona.
Hinikayat ni Bishop Mesiona ang pamahalaan at mamamayan na kilalanin at igalang ang karapatan ng mga katutubo, at iginiit na hindi sila dapat ituring na kriminal dahil lamang sa pagtatanggol ng kanilang tahanan, kabuhayan, at kultura.
Nananawagan din ang simbahan at mga grupong tagapagtanggol ng karapatang pantao para sa makatao, at makatarungang pakikitungo sa mga inaresto, at hinihikayat ang mga ahensya ng pamahalaan na suriin ang insidente sa konteksto ng karapatang pantao at social justice.
“These individuals are ordinary people who simply seek to protect their right to live and work their lands. Therefore, we express our condemnation of the treatment of these eleven residents of Mariahangin,” dagdag ni Bishop Mesiona.
Matagal nang kinikilala ang Barangay Mariahangin bilang lupaing ninuno ng mga katutubong grupo, tulad ng Molbog at Cagayanen, ngunit sa mga nagdaang taon ay nagkaroon ng mga alitan kaugnay ng pang-aagaw ng lupa at mga usaping legal sa paninirahan ng mga katutubo sa kanilang lupain.
Tinatayang nasa 96 na pamilya ang naninirahan sa Sitio Mariahangin, kung saan 12 pamilya rito ang mga Katoliko.