8,655 total views
Nakiisa ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga apela na buwagin ang Rice Liberalization Law dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.
Sa ika-anim na taon ng pagsasabatas ng RLL, iginiit ni KMU Secretary General Jerome Adonis na hindi nakatulong ang batas sa mamamayang Pilipino dahil tumaas pa ng anim na piso ang halaga ng bigas sa pamilihan.
Iginiit ng KMU na labis ang pasakit ng batas sa mga Pilipino dahil nananatiling mababa ang minimum wage na 645 pesos sa National Capital Region habang nasa 300 lamang sa ibang rehiyon sa bansa.
“Sa Bagong Pilipinas, mas busog ang kapitalista sa manggagawa! Hinahayaan ni Marcos na ipasa ng mga kapitalista sa manggagawa’t mamamayan ang gastos sa produksyon sa porma ng mga dadag-presyo, samantalang pinipilit ang manggagawa na magkasya sa sahod na hindi makabuluhang dinadagdagan,” ayon sa mensahe ni Adonis na ipinadala sa Radio Veritas.
Sinabi ni Adonis na naging maluwag ang mga import policies katulad ng pagpapababa sa presyo ng taripa o buwis ng mga imported na bigas kayat naging mababa naman ang presyo ng lokal na produksyon.
Sa pag-aaral ng BANTAY BIGAS, umaabot na sa 20-bilyong piso ang ikinalugi ng mga magsasakang Pilipino simula ng ipatupad ang R-L-L noong 2018 hanggang sa kasalukuyan.
Naunang umapela sa pamahalaan ang Diyosesis ng Cabanatuan at San Jose sa Nueva Ecija na tinaguriang ‘Rice Granary of the Philippines’ na unahing tulungan ang mga rice farmer sa Pilipinas sa halip na mga negosyante at rice cartels.