7,506 total views
Mariing kinokondena ng Alyansa Tigil Mina (ATM) ang pagpaslang kay Alberto Cuartero, isang anti-mining advocate at kapitan ng Barangay Puyat, Carmen, Surigao del Sur.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, hindi makatarungan ang sinapit ni Cuartero gayong nais lamang nitong ipagtanggol ang karapatan ng kinasasakupan mula sa epekto ng mapaminsalang pagmimina.
“We are enraged that another environmental and human rights defender has been felled and now joins the ranks of hundreds of activists killed in the country,” ayon kay Garganera.
Si Cuartero, kasama ang isa pang biktima na si Ronde Arpilleda Asis, ay binaril noong September 22 ng hindi pa nakikilalang salarin.
Kabilang si Cuartero sa mga saksing tumestigo sa korte at nagbunyag ng pekeng exploration permit ng Tribu Manobo Mining Corporation (TMMC).
Kamakailan lamang ay iniulat ng international watchdog na Global Witness na nananatiling pinakamapanganib na bansa sa Asya ang Pilipinas para sa mga environmental activist.
Mula 2012 hanggang 2023, ang Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga pinaslang na tagapagtanggol ng kalikasan sa rehiyon.
Panawagan naman ng ATM sa pamahalaan ang puspusang imbestigasyon sa pagpaslang sa mga biktima at papanagutin ang mga salarin.
“We demand that police officials undertake all efforts to resolve this brutal killing. We further call on the Department of Local Government (DILG) and the Commission on Human Rights (CHR) to investigate the matter,” ayon kay Garganera.
Una nang nabanggit sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco ang panawagan sa mamamayan at mga may katungkulan sa pamahalaan na ipagtanggol at pigilan ang walang kabuluhang pakikitungo sa mga environmental defender at mga katutubo.