157 total views
Aminado si Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na napapanahon na upang sugpuin ang paglaganap ng illegal na droga sa bansa.
Sa kabila nito, nanindigan ang dating Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi na-aangkop ang malawakang pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa bawal na gamut na hindi dumaraan sa tamang proseso ng paglilitis at hindi rin pinahihintulan sa bansa ang parusang kamatayan.
Pagbabahagi ng Arsobispo, nakalulungkot ang kasalukuyang pangyayari sa bansa kung saan tila nagkakaroon ng mababaw na pagtingin at pagpapahalaga sa buhay.
“Tama naman po na talagang lipunin ang droga, hindi lang yung gumagawa kundi yung ding yung nagkakalat, nagbibili, tama po yun. Ang akin lamang inaalaala ay parang naging masyadong mura ang buhay, yang patay dito, patay doon…” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam sa Radio Veritas.
Iginiit naman ng Arsobispo na resulta ng pagpapabaya ng nakaraang administrasyon sa usapin ng illegal na droga at krimen sa bansa ang malaking bilang ng mga nahuhuli at kusang sumusukong drug users at dealers sa kasalukuyan.
Paliwanag ni Archbishop Cruz, kung tinutukan lamang agad ng nakaraang administrasyon ang pagsugpo sa bentahan at paggamit ng illegal na droga sa nakalipas na anim na taon ay maaring nacontrol at hindi tuluyang lumaganap ang bawal na gamot sa buong bansa na itinuturo na ring pangunahing dahilan sa paglaganap ng krimen sa lipunan.
“Ganito po kasi yan eh, ang nangyari po dyan yung nakaraang administrasyon ay parang bulag,pipi at bingi at hamak na hindi pa man nauupo ang ating presidente sa ngayon, mga dalawang buwan pa lang eh katakot-takot na ang nahuhuling kilo-kilo na etc. etc.. Sa makatuwid nung makaupo itong administrasyon noong nakaraan eh wala tingin, tumutula pero wala pong ginagawa kaya po naman pagdating po nitong bago na ito ay talagang masyadong laganap na yang droga na yan at hindi lang po droga kundi krimen din pero tulad nung sinabi ko kanina pagbutihin sana talaga ang ating justice system para sng paglilitis ay wasto at mabilis ng kahit konte, kahit paano…” paliwanag pa ni Archbishop Cruz.
Kaugnay nga nito, ayon sa United Nations World Drug Report ang Pilipinas ang may pinakamataas na paggamit ng Shabu sa East Asia habang batay naman sa tala Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) aabot sa 92-porsyento ng mga barangay sa Metro Manila at 1/5 naman ng mga barangay sa buong bansa ay apektado ng droga.
Samantala sa kasalukuyan, batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police, tinatayang umaabot na sa higit 18-libo ang naaresto dahil sa ilegal na droga habang higit sa 6 na libong indibidwal na rin ang kusang sumuko sa mga lokal na pamahalaan at nangako ng pakikipagtulungan sa mga otoridad sa buong bansa.