175 total views
Akin nang kinalakhan kasabihan ng matatanda, "Kapag may tiyaga, may nilaga!' Ngunit sa aking pagtanda ako ay namangha sapagkat mayroon pang higit sa pagtitiyaga, isang dakilang biyaya: ang pagsusumakit.
Sa wikang Inggles, "persistence" kung isasalin ang salitang pagtitiyaga na kung saan nagsisikap ang sino man upang matamo kanyang inaasam na tagumpay kaya buong lakas at panahon doon nakatuon upang maging kampeon.
Ngunit higit pa sa pagtitiyaga ang pagsusumakit: sa wikang Inggles ay perseverance na kung saan sino man ay laan masaktan at mahirapan upang mapanatili at mapangalagaan sumpa at pangakong binitiwan (komitment), di lamang sa mithiing inaasam na ibig makamtan kaya pinagtitiyagaan.
Sa pagsusumakit, hindi nakakaakit tagumpay na makakamit kungdi higit sa lahat ay hindi maipagkait ang nararapat at naayong tugon sa bawat pagkakataon kung kayat ano man kahantungan ng bawat punyagi kabutihan at kaganapan ang mapanatili.
Hindi pansamantala ang pagsusumakit di tulad ng pagtitiyaga at pagsisikap na kadalasan ang layunin ay bagay at gamit na makakamit; bawat pagsusumakit saan man at kanino man ay paglapit at pagkamit na rin ng langit!
Sinabi ni Jesus sa mga tao: "Ngunit pagsumakitan ninyo ng higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo." (Mateo 6:33)