9,179 total views
Inaprubahan na ng Vatican ang petisyon ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagtatatag ng Permanent Diaconate sa Pilipinas.
Ito ay kinumpirma sa pamamagitan ng liham mula sa Vatican Secretariat of State kung saan inaabisuhan na rin ang kalipunan ng mga obispo na makipag-ugnayan sa Dicastery for the Clergy upang talakayin ang mga panuntunan sa pagtatatag ng permanent deacons.
“I am pleased to inform you that the Holy Father has granted your petition, and you are hereby requested to contact the Dicastery for the Clergy concerning all further matters pertaining to the establishment of the Permanent Diaconate,” sinasaad ng liham na nilagdaan ni Archbishop Edgar Peña Parra ang Substitute of the Secretariat of State.
Ayon sa Secretariat of State ng Vatican ito ay bilang tugon sa kahilingan ng CBCP sa liham na may petsang July 25.
Nagpaabot din ng panalangin ang Santo Papa upang matagumpay na maitatag ang inisyatibo sa ikabubuti ng Simbahang katolika at mananampalataya sa Pilipinas.
Una na ring tinalakay sa nakalipas na CBCP plenary assembly ang usapin na sinang-ayunan ng mga obispo sa layuning palawakin ang saklaw ng ebanghelisasyon at serbisyo ng simbahan lalo na sa malalayong pamayanan.
Naniniwala naman si CBCP president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ang pagkakaroon ng mga diakono na magiging katuwang sa mga parokya ay magiging tugon din sa kakulangan ng mga pari sa bansa.
Ayon sa Vatican, ang permanent diaconate ay maaring igawad sa isang binata o may asawa.
Ang mga diakono ay inordinahang klero bagama’t hindi bilang pari sa halip ang pangunahing tungkulin ay maging katuwang ng pari sa paglilingkod sa simbahan
Sa datos, tinatayang may 11-libo ang bilang ng mga pari sa buong Pilipinas na nangangasiwa sa higit 80-milyong katoliko sa buong Pilipinas.
Author: Marian Pulgo with Kenneth Corbilla