570 total views
Ikinatuwa ng makakalikasang grupong nangangalaga sa yamang dagat ang pagkilos ng pamahalaan kaugnay sa pagtatanim ng Mangrove trees o bakawan bilang panangga sa kalamidad at nagsisibling tahanan ng mga isda.
Ayon kay Atty. Gloria Estenzo-Ramos, Vice-President ng Oceana Philippines nakasaad sa Philippine Fisheries Code na ang mga hindi ginagamit na palaisdaan ay maaaring muling pagtaniman ng mga mangrove. Sa ulat, maraming inabandonang palaisdaan nagiging pribadong pagmamay-ari ng mga kumpanya at tinatayuan ng mga imprastraktura sa halip na taniman ng mga bakawan.
“This is in the [Philippine] Fisheries Code na ‘yung mga abandoned, unutilized fishpond, which used to be a mangrove forest na kinonvert into fishpond should revert back to the state… Maraming mga fishpond na hindi ginagamit na nagiging “ownership” ng private entities. So, nawawala ito sa inventory natin ng public land and no one was looking,” bahagi ng pahayag ni Ramos sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa grupo, ang pagpapanumbalik ng Mangrove forest sa mga palaisdaan ay dapat na unahin ng pamahalaan.
Makatutulong ang mga punong ito bilang tugon sa lumalalang epekto ng krisis ng pagbabago ng klima dahil mas kaya nitong linisin ang hangin ng tatlo hanggang limang beses kumpara sa terrestrial forests.
Samantala, sapilitang pinalayas at pinagiba ang tahanan ng humigit kumulang 100 pamilya sa Bulacan kung saan itatayo ang Bulacan Airport.
Ayon sa Oceana, ito’y kahit sa kabila ng wala pang inilalabas na Environmental Compliance Certificate (ECC) na kailangan bago ang pagtatayo ng paliparan.
Binigyang-diin ng grupo na ang pagtatayo ng Bulacan Airport ay magdudulot ng panganib sa mga residente gayundin sa kalikasan.
Paliwanag pa ng grupo na ang pagtatayuan ng paliparan ay hindi ligtas dahil madali itong bahain.
Hinikayat naman ng makakalikasang grupo ang pagtatanim ng maraming puno ng bakawan sa halip na magsagawa ng reklamasyon.
Sa turo ng simbahang katolika, bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang mga mamumuhunan, subalit kinakailangang ang kitang ito ay nakakamit nang hindi naisasakripisyo ang mamamayan at na ang kalikasan.