3,733 total views
Hiniling ni CBCP Office on Stewardship Chairperson, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa mamamayan na pahalagahan ang mga migranteng manggagawa.
Ito ang mensahe ng opisyal sa pagdiriwang ng National Seafarers and Migrants Sunday nitong September 24.
Ayon kay Bishop Pabillo nararapat bigyang pagkilala at pahalaga ang Overseas Filipino Workers na nagpapagal sa mga dayuhang bansa upang matustusan ang pangangailangan ng mga mahal sa buhay.
“Pahalagahan po natin ang kahirapan at pagsisikap ng ating mamalakaya at ng ating mga OFW at ang iba pang migrante. Ipagdasal at unawain natin ang mga migrante at mga nagtratrabaho sa dagat.” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Batid ng obispo ang mga hamong kinakaharap ng bawat OFW at Seafarers na malayo sa kani-kanilang pamilya kaya dapat patuloy na ipagdasal at kilalanin ang mga pagsusumikap.
Sa datos ng Banko Sentral ng Pilipinas noong 2022 umabot sa 36 na bilyong dolyar ang ipinapadalang pera ng mga OFW mas mataas ng halos apat na porsyento kumpara sa remittance noon 2021.
Malaking kontribusyon dito ang mga Pilipinong manggagawa na nasa Amerika, SAudi Arabia, Singapore, Qatar at United Kingdom.
Tema ng 37th National Migrants’ Sunday ang ‘Free to choose whether to migrate or to stay’ kung saan kinikilala ang karapatan ng bawat isa lalo’t karamihang migrante ay napipilitang mangibang bayan dahil sa kahirapan.
Samantala tema naman ng 28th National Seafarers Day ang “Marinong Filipino: Patuloy sa Pangangalaga ng Karagatan” na binibigyang pahalaga rin ng simbahan sa pangunguna ng Stella Maris Philippines ang missionary arm ng simbahan na nangangalaga sa mga mamalakaya.
Ayon sa pag-aaral humigit kumulang sampung milyon ang bilang ng mga OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo na itinuring ni Pope Francis na ‘sumgglers of faith’ dahil sa pagbabahagi ng pananampalataya sa mga komunidad na kinabibilangan.