360 total views
Kay sarap namnamin, O Diyos Ama namin paglalarawan ni San Lukas ng panahon noong dumating si San Juan Bautista sa ilang upang ihanda daraanan ng Panginoong darating:
Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, si Herodes ang tetrarka sa Galilea at ang kapatid naman niyang si Felipe, sa lupain ng Iturea at Traconite. Si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia. Sina Anas at Caifas naman ang mga pinakapunong saserdote noon. Nang panahong iyon, nasa ilang si Juan na anak ni Zacarias. Dumating sa kanya ang salita ng Diyos…
Lucas 3:1-2
Dumating ka na sa amin, Panginoon, sa panahong ito sa gitna ng social media ng mga nakabibinging ingay at mga sari-saring tanawin sa amin ay umaaliw ngunit madalas ay sagwil upang Ika'y makita at maranasan kay Hesus na palaging dumarating sa gitna ng kasaysayan ng daigdig maging sa sariling buhay namin.
Nawa matularan namin si Juan Bautista upang ilang ay puntahan, maglaan ng panahon ng pananahimik upang Iyong mga salita ay mapakinggan at mapagnilayan, maranasan pananahan Mo sa amin kay Kristo.
Itulot po ninyo, O Diyos, sa liwanag ng Espiritu Santo aming matularan si Juan doon sa ilang aming maisigaw upang umalingawngaw sa mundong nagbibingi-bingihan sa Iyong mga panawagan na tuwirin aming landas ng pamumuhay: nawa'y masaid namin aming puso at kalooban ng aming kapalaluan at mga kasalanan upang mapunan ng Iyong kababaang-loob, pag-ibig at katarungan; katulad ni Juan ay maging tinig nawa kami ng katotohanan sa gitna ng pagpipilit ng marami na bigyang katuwiran mga kasinungalingan at kasalaulaan; tambakan nawa namin bawat lambak ng kababawan at kawalan ng kabuluhan ng katuturan at kahulugan kay Kristo lamang matatagpuan; at higit sa lahat, nawa aming matibag sa mabubuting gawa at halimbawa mga bundok at burol ng aming kayabangan at katanyagan, maalis aming mga tarpaulin at ilawan at tanging ikaw lamang O Diyos ang aming matanawan, sundan, at paglingkuran magpasawalang- hanggan. Amen.
