386 total views
Patuloy ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission sa pamamahagi ng tulong sa mga lubos na apektado ng pananalasa ng bagyong Jolina sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Renbrandt Tangonan, Communications and Advocacy Officer ng LASAC na nasa mahigit 2000 pamilya mula sa kabuuang bilang na 3055 pamilyang lubos na naapektuhan ng bagyo ang nabahaginan na ng tulong mula sa Arkidiyosesis.
“So far, out of the 3055 families, ‘yun ay nasa 12,000 individuals, nasa higit 2000 ang ating natulungan at ‘yun ay tuluy-tuloy pa rin lalo ngayong medyo nahupa na yung ating mga baha,” bahagi ng pahayag ni Tangonan sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman ang LASAC sa ipinadalang tulong ng Caritas Manila noong muling nagligalig ang Bulkang Taal nitong Hulyo, sapagkat ito’y naipamahagi pa rin ngayon sa mga naapektuhan ng Bagyong Jolina.
“Napakalaki ng tulong ng Caritas Manila gawa ng pinadala na goods during the Taal eruption, ‘yung iba doon ay hindi naman nagamit kasi hindi na nagsubside na ang Taal volcano. ‘Yun ay nagamit natin to augment the needs of the family,” saad ni Tangonan.
Samantala, ibinahagi naman ni Tangonan na bago pa man manalasa ang Bagyong Jolina sa lalawigan ay nagsagawa na ng rapid assessment ang LASAC katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas upang maayos na mailatag ang mga plano sa pagtugon sa pangangailangan ng mga apektado ng sakuna.
“Prior to the typhoon, nag-rapid assessment ang LASAC with the provincial government kasi kung matatandaan ninyo, mayroon tayong bilateral agreement with the provincial government. Sinisiguro nito na ‘yung ating sharing of data between the government and the church, tayo din naman ‘yung pagseshare natin ng ating mga best practices ‘yun nama’y in place,” ayon kay Tangonan.
Magugunita nitong Agosto 11, 2021 ay nilagdaan nina Lipa Archbishop Gilbert Garcera at Batangas Governor Hermilando Mandanas ang bilateral understanding sa pagitan ng lokal na simbahan at pamahalaang panlalawigan hinggil sa kolektibong pagtugon at pagtulong para sa mga lubos na apektadong pamilya ng mga sakunang likha ng kalikasan at ng tao.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa kabuuang 81,048 pamilya o 313,373 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Jolina, kung saan nag-iwan ito ng pinsala sa agrikultura na nagkakahalaga P628-milyong at P57-milyon naman sa mga imprastraktura.