208 total views
Mga Kapanalig, balik-klase na ang mga mag-aaral sa maraming paaralan ngayong linggo, ngunit hindi pa rin sila balik-paaralan. Isa ang Pilipinas sa limang bansang walang in-person o face-to-face classes mula noong nagsimula ang pandemya. Kasama natin ang Bangladesh, Kuwait, Saudi Arabia, at Venezuela. Ngunit ang iba sa mga ito ay magsisimula na ring magkaroon ng face-to-face classes bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Nakailang-tangka na rin ang Department of Education (o DepEd) na magsagawa ng tinatawag na pilot run ng face-to-face classes, ngunit ilang beses rin itong hindi sinang-ayunan ni Pangulong Duterte. Ngayong buwan, nagmungkahi muli ang DepEd na magsagawa ng pilot run sa 120 na paaralan sa mga lugar na itinuturing na low-risk sa COVID-19. Tinatapos pa raw ng DepEd at Department of Health (o DOH) ang isang joint issuance na naglalaman ng patnubay sa pagsasagawa ng face-to-face classes sakaling sang-ayunan ito ng presidente. Ilan sa mga nilalaman nito ay ang mga kinakailangan upang tiyaking ligtas ang mga bata sa paaralan. Kasama sa mga ito ang pagkakaroon ng sapat na mga pasilidad at espasyo upang masunod ang physical distancing.
Hindi biro ang epekto ng distance learning sa mga kabataang Pilipino. Dahil sa paglipat sa online at modular learning, naging limitado ang pagkatuto ng mga bata. Mas nakatutok sila sa kanilang mga gadgets o modules, at hindi sila nagkakaroon ng makahulugang pakikisalamuha sa kanilang mga guro at kapwa bata. Malaki rin ang tinatayang mawawala sa productivity ng ating bansa dahil sa kakulangan ng ating kahandaan pag-aaral sa ilalim ng new normal. Ayon sa National Economic and Development Authority (o NEDA), aabot sa 11 trilyong piso ang mawawala sa ating bansa sa bawat taon na walang face-to-face classes sa susunod na 40 taon. Dahil nalilimitahan ang pagkatuto ng mga bata, malaki ang epekto nito sa kanilang buhay, lalo na sa kanilang pagtanda at pagiging produktibong bahagi ng labor force ng bansa.
Maraming aral na matutunanan sa mga hakbang na ginawa ng ibang bansang nagbukas na muli ng kanilang mga paaralan. Sa Indonesia, halimbawa, kung saan nagkaroon din ng mataas na bilang ng kaso ng COVID-19, unti-unti nilang binuksan ang mga paaralan sa pamamagitan ng paglalabas ng mga patnubay sa mga paaralan. Binigyan din nila ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magdesisyon. Sa China, Mexico, at Vietnam, nagsimula sila sa mga low-risk areas. Sa mga batang nasa early grades naman nagsimula ang Sweden at Denmark, at sa senior high school naman sa Singapore. Nariyan rin ang classroom bubbles na istratehiyang ipinatutupad ng United Kingdom at Canada kung saan nilimitahan nila ang interkasyon ng mga bata at nagkaroon ng panandaliang pagsasara ng eskuwelahan kung magkaroon ng hawahan.
Maaaring hindi natin maisip noong nakaraang taon ang pagbubukas muli ng mga paaralan, ngunit ang patuloy na pagsasara ng mga ito ay may dalang panganib sa kinabukasan ng ating bansa at sa pagkatuto ng mga bata. Naniniwala ang ating Santa Iglesia na ang layunin ng pag-aaral o edukasyon ay ang paghubog sa mga tao tungo sa kanilang pansariling paglago at sa kabutihan ng kanyang lipunan. Sabi nga ni Pope Paul VI sa Gravissimum Educationis, kinakailangan nating bigyan ang bawat bata ng pagkakataong umunlad—pisikal man, moral, at intelektwal—dahil ito ay kanilang karapatang nakaugat sa kanilang dignidad bilang tao. Sinasabi pa nga sa Mga Kawikaan 9:9: “matalino’y turuan mo’t lalo siyang tatalino.”
Mga Kapanalig, kinakailangan nang pag-isipan, pag-aralan, at planuhing mabuti ng pambansa at mga lokal na pamahalaan ang pagbubukas muli ng mga paaralan. Prayoridad pa rin natin ang kaligtasan ng mga bata sa COVID-19, ngunit baka hindi na natin makakaya pang isakripisyo ang pag-aaral ng kabataang Pilipino.