20,065 total views
Patuloy ang pagkilos ng ONE Negros Social Action Network Sub-Cluster Humanitarian Team upang tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente dulot ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental at Negros Oriental.
Ang ONE Negros ay binubuo ng apat na diyosesis mula sa dalawang lalawigan: ang mga Diyosesis ng San Carlos, Kabankalan, Bacolod, at Dumaguete.
Ayon sa ulat, tinatayang 37,699 indibidwal o 10,993 pamilya mula sa 23 barangay sa Western at Central Visayas ang naapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Sa bilang, 14,518 indibidwal o 4,309 pamilya ang inilikas, kung saan higit 12,000 katao o halos 4,000 pamilya ang kasalukuyang nasa 29 evacuation centers, habang higit 2,000 katao o halos 600 pamilya ang nanunuluyan sa kanilang mga kaanak.
Ang Diyosesis ng Kabankalan ang nakapagtala ng mataas na bilang ng evacuees na umabot sa halos 8,000 indibidwal o higit 2,500 pamilya, at nanunuluyan sa 10 evacuation centers sa La Castellana, kabilang ang St. Vincent Ferrer Parish-Shrine.
Sa Diyosesis ng Bacolod, mahigit 3,000 indibidwal o halos 1,000 pamilya ang inilikas mula sa mga lungsod ng Bago at La Carlota, at bayan ng Pontevedra, at kasalukuyang nasa 14 evacuation centers.
Naitala sa diyosesis ang maraming pananim ang napinsala at ilang residente ang nakaranas ng problema sa paghinga dahil sa sulfur dioxide.
Inabisuhan din ang mga residente na umiwas muna sa pag-inom ng tubig mula sa mga bukal dahil sa posibleng kontaminasyon dulot ng ashfall.
Sa Diyosesis ng San Carlos, mahigit 400 indibidwal o higit 100 pamilya ang lumikas mula sa dalawang barangay sa Canlaon City at kasalukuyang nasa dalawang evacuation centers.
Habang ang Diyosesis ng Dumaguete naman, bagamat walang naitalang evacuees, ay patuloy na nakikipagtulungan sa mga karatig na diyosesis para sa agarang pagtugon sakaling lumalala ang sitwasyon.
Higit na kailangan sa mga apektadong diyosesis ang ready-to-eat meals, malinis na tubig, sleeping at hygiene kits, facemasks, gamot, at portalettes.
Naghahanda na ang Caritas Bacolod ng liham sirkular para sa “Bishop’s Appeal” kaugnay sa isasagawang donation drive sa pakikipagtulungan ng Carlos Hilado Memorial State University.
Nanawagan din ang Kabankalan Diocesan Social Action Center sa mga parokya na magsagawa ng donation drive para suportahan ang mga evacuee, partikular sa St. Vincent Ferrer Parish-Shrine.
Tiniyak naman ng simbahan ang patuloy na pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong komunidad.