3,358 total views
Iginiit ni Archbishop Charles Brown, Apostolic Nuncio sa Pilipinas, na ang gawaing panlipunan ng Simbahan ay hindi lamang karagdagang misyon kundi nasa pinakapuso ng pagpapahayag ng Ebanghelyo.
Sa kanyang homiliya sa pagtatapos ng National Social Action General Assembly (NASAGA 2026), pinuri ng nuncio ang mga pari, madre, at laykong naglilingkod sa social action ministry dahil sa kanilang konkretong pagsasabuhay ng misyon ng Simbahan.
“What you are doing is at the center of the Church, the heart of the Church’s outreach—especially to the poor and the marginalized,” ayon kay Archbishop Brown.
Sa pagninilay sa Ebanghelyo tungkol sa pagsusugo ni Hesus sa Labindalawang Apostol, binigyang-diin ng nuncio ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos sa gawain ng Simbahan.
Aniya, malinaw sa Ebanghelyo na hindi isinugo ni Kristo ang mga alagad nang nag-iisa kundi dala-dalawa, tanda ng sama-samang paglalakbay sa misyon.
Ipinaliwanag pa ng opisyal ng Vatican na ang ganitong diwa ng pagkilos ay naaayon sa synodality, isang proseso ng sama-samang pakikinig, paglalakbay, at pagpapasya ng Simbahan.
“A solitary Christian is no Christian… If we are going to move forward, we must always move forward in a synodal fashion—together on the way,” dagdag ng nuncio.
Kinilala rin ni Archbishop Brown ang matinding pangangailangan ng bansa para sa social action, lalo na sa harap ng patuloy na hamon ng kahirapan, katiwalian, kakulangan sa edukasyon, at malnutrisyon.
Hinamon niya ang mga kalahok ng NASAGA na yakapin ang diwa ng metanoia o pagbabago ng pag-iisip bilang mahalagang bahagi ng misyon.
“There is such a crying need in the Philippines for social action… Metanoia means to change your mind, to open yourselves to new ways of thinking… The problems are perennial—corruption, poverty, exclusion—but we need fresh and creative solutions,” ani Archbishop Brown.
Bagama’t kinilala niyang hindi madali ang pagbabagong tumutugon sa mga sistemikong suliranin ng lipunan, binigyang-diin ng nuncio ang kahalagahan ng agarang pagtulong at paglingap sa mga indibidwal na nangangailangan, isang konkretong ginagawa ng mga social action ministry.
Sa pagtatapos ng kanyang homiliya, pinasalamatan ng nuncio ang mga social action workers sa buong bansa at tiniyak ang patuloy na suporta ng Simbahan at ng Santo Papa sa kanilang misyon.
“Wherever I go in the Philippines—from Batanes to Jolo—I see the great work of the Church’s social action,” ayon kay Archbishop Brown.
Dumalo sa pagtitipon na ginanap sa Mother of Grace Convention Center sa Tagaytay City ang humigit-kumulang 500 delegado mula sa iba’t ibang social action centers ng 85 ecclesiastical jurisdictions sa buong bansa.
Kasabay ng pagtitipon ang panunumpa sa katungkulan ni Bishop Gerardo Alminaza bilang bagong pangulo ng Caritas Philippines, ang advocacy at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.




