
Homiliya para sa Kapistahan ni Santiago Apostol, 25 Hulyo 2025, 2 Cor 4:7-15; Mat 20:20-28
“Nanindigan ako, kaya’t nagsalita ko.”
Galing sa Aklat ng mga Salmo ang binanggit na quotation (siping pahayag) ni San Pablo sa ating unang pagbasa. Nasa Psalm 116:10 ito. Sa Ingles, “I believed, therefore I spoke.” Parang kahawig ng pangungusap ng isang kilalang pilosopong Frances na ang pangalan ay Rene Descartes: “Cogito, ergo sum.” Nag-iisip ako; kung gayon umiiral ako. Pero kay San Pablo, iba: “Credo, ergo loquor.” Naniniwala ako; kung gayon nagsasalita ako. O sa mas simpleng Tagalog, Pinaninindigan ko ang sinasabi ko. Ibig sabihin: “Handa akong itaya ang buhay ko sa salitang binibigkas ko.”
Parang ganito rin ang punto ni Hesus sa magkapatid na anak ni Zebedeo—Santiago at Juan—sa ating ebanghelyo. Sa totoo lang, medyo nagtataka nga ako kung bakit ba ito ang binabasang ebanghelyo sa araw ng kapistahan ni Apostol Santiago. Kahiya-hiya kasi ang dating ng kuwento. Kasi, hindi naman sila kundi ang nanay nila (sa version ni San Mateo) ang nagpaabot kay Hesus tungkol sa gusto ng dalawang magkapatid.
Sa Tagalog may tawag sa ganyan: “Nanghihiram ng bibig.” At ano ang gusto nila? Pwede daw bang maluklok sila o mapwesto sa kaliwa’t kanan ni Hesus sa kanyang kaharian? Kung gagawa tayo ng kaunting “reading between the lines” dito, parang ganito ang sagot ni Hesus, “Brods, hindi ninyo kailangan manghiram ng bibig. Kung iyon ang hinihiling ninyo, sabihin na lang ninyo ng diretso. At ito naman ang isasagot ko sa inyo, “Hindi ninyo alam ang hinihingi ninyo… Kaya ba ninyong panagutan ito pagdating ng panahon?”” Sagot nila, “Oo naman, kaya namin.”
Titser na titser ang dating ni Hesus sa magkapatid, ang mga bunso sa mga alagad niya. Tinuturuan sila na magsalita nang tama. Na kung gusto nila na paniwalaan ang mabuting balita na kanilang ipahahayag, dapat panindigan nila ang kanilang salita. Na kung di nila kayang itaya ang buhay nila, huwag na lang nilang gawin o sabihin.
Kaya nasabi ni San Pablo sa unang pagbasa na ang hatid niyang mabuting balita ay para bang “kayamanan nakasilid sa isang marupok na palayok”. Na ang tunay na nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa kanyang mga salita ay ang Diyos, hindi ang sarili niya. Na ang dala niyang lakas sa mahinang pagkatao niya ay hindi kanya galing kundi sa pakikiisa niya sa pagkatao ni HesuKristo. Kaya nasabi niya, “Kahit gipitin kami, di kami malupig; kahit maguluhan kami, di kami mawalan ng pag-asa; kahit usigin kami, di kami matalo; kahit saktan kami, di kami mapatay.”
Sa unang ordinasyon na tinanggap ko noong 1982–ang ordinasyon sa pagka-diyakono, tandang-tanda ko pa ang sinabi ng obispo habang ibinibigay niya sa akin ang Book of Gospels: “Tanggapin mo ang Salita ng Diyos bilang tagapagpahayag nito. PANINDIGAN mo ang BINABASA mo, ITURO mo ang PINANINDINDIGAN mo at ISAGAWA mo ang ITINUTURO mo.” Ito kasi ang itinuro ni Hesus sa atin upang tayo rin ay matutong magpahayag ng salitang may kapangyarihang magpabago sa sangkatauhan at sa sandaigdigan.






