173 total views
Hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, ang mga mananampalataya na panatilihin ang kultura ng mga Filipino na pagsisimba ng siyam na gabi sa Misa de gallo o simbang gabi.
Ayon sa Obispo, ang mga gawaing ito ang nagpapatatag ng pananampalataya ng mga Filipino na kinikilala hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba pang bahagi ng mundo.
Panalangin ng Obispo, ay maipagpatuloy ang magandang kaugalian at mapanatili itong buhay hanggang sa susunod na henerasyon.
“Magsisimula na po tayo ng simbang gabi, yan po ay magandang tradisyon para sa ating mga Pilipino, na 9 na araw na pagsisimba at pagdarasal para sa paghahanda natin sa kapaskuhan sana po panatilihin natin yan kasi yan po ay nagpapatatag ng ating pananampalataya,” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Sa pagsisimula bukas at sa ika-16 ng Disyembre ng mga Simbang gabi, ay hinikayat ni Bishop Pabillo ang mga Filipino lalo na ang mga kabataan na magsimba at manalangin ng taimtim bilang paghahanda sa pagsilang ng Panginoong Hesus.
Ipinaalala ng Obispo na hindi dapat maging ugali ng mga kabataan ang pagsisimba dahil lamang sa kanilang mga barkada, bagkus dapat itong maging bukal sa puso upang tunay na maparangalan ang Panginoon.
“Sana tayo ay magsimba upang tayo ay magparangal sa Diyos upang makinig sa kanyang salita at makiisa sa kanya, hindi lang dahil sa kasama natin ang ating kabarkada at kakilala,” dagdag pa ng Obispo.
Sa huling tala ng National Statistics Office noong 2010 nasa 80.6 na porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay mga katoliko, na katumbas ng mahigit 80-milyong mga mananampalataya na inaasahang makikilahok sa pagsisimula ng simbang gabi sa kanilang mga Parokya at Diyosesis.