1,922 total views
Inaanyayahan ng pamunuan ng Sta. Cruz Parish sa Maynila ang mananampalataya na makibahagi sa maringal at makasaysayang deklarasyon ng simbahan bilang minor basilica.
Sa pahayag ng dambana, gaganapin sa November 21 ang rito ng pagtatalaga na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, habang si Balanga Bishop Rufino Sescon, Jr. naman ang magbibigay ng homiliya.
“Let us come together in thanksgiving and joy as our parish is officially declared a Minor Basilica under the patronage of Nuestra Señora del Pilar,” ayon sa pahayag ng dambana.
Magsisimula ang pagdiriwang sa alas-dos ng hapon, na susundan ng prusisyon sa mga pangunahing lansangan na sakop ng parokya.
Upang bigyang-daan ang makasaysayang okasyon, ipinagpaliban ng parokya ang mga regular na misa sa alas-singko at alas-sais ng hapon upang makalahok ang buong komunidad sa pagdiriwang.
Noong Marso ng kasalukuyang taon, inaprubahan ng yumaong Pope Francis ang kahilingan ng parokya na ideklara ang Sta. Cruz Parish bilang minor basilica sa ilalim ng patronahe ng Nuestra Señora del Pilar.
Ang pagkilalang ito ay iginagawad sa mga simbahan na may makasaysayang at kultural na kahalagahan, artistikong kagandahan, at mahalagang papel sa buhay ng Simbahan.
Ang pagiging minor basilica ay sagisag ng mas malapit na ugnayan sa Santo Papa, kalakip ng iba’t ibang pribilehiyo tulad ng paglalagay ng mga simbolo ng Papa sa loob ng dambana.
Itinatag ang Sta. Cruz Parish noong 1619 ng mga misyonerong Heswita na naglilingkod noon sa Chinese community sa lugar.
Noong 1643, idinambana nila ang replica ng Nuestra Señora del Pilar de Zaragoza mula sa Spain.
Dahil sa mga kalamidad at digmaan, ilang ulit na nasira ang simbahan, at ang kasalukuyang estruktura ay natapos lamang noong 1957.
Noong 1984, ibinalik ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ang pangalan na Sta. Cruz Parish, habang itinalaga naman si St. Peter Julian Eymard bilang ikalawang patron ng parokya.
Nang pangasiwaan ng Blessed Sacrament Fathers and Brothers ang parokya noong 1950, higit pang lumago ang debosyon sa Banal na Eukaristiya at sa Adoration of the Blessed Sacrament.
Noong 2018, idineklara ni noo’y Arsobispo ng Maynila Cardinal Luis Antonio Tagle ang parokya bilang Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament.
Kamakailan lamang, nitong Oktubre 2025, pinangunahan ni Cardinal Advincula ang muling pagdambana ng Nuestra Señora del Pilar de Manila sa main altar ng simbahan, matapos ang halos isang siglo ng pananatili ng imahe sa side altar ng basilica.




