557 total views
Nakakalungkot at nakakagalit ang kanilang ginagawa.
Ito ang reaksyon ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa isinapublikong ulat ng Commission on Audit (COA) sa ‘unused and misused funds’ ng Department of Health.
Ayon sa obispo, ang pondong ito sana’y nakatulong na sa mga healthcare workers na itinuturing na mga makabagong bayani ng henerasyon na magpahanggang ngayon ay hiling pa rin na matanggap ang mga ipinangakong benepisyo kapalit ng kanilang pagsasakripisyo ngayong pandemya.
“Dapat ‘yung DOH ang talagang nangangalaga sa atin… Una, mangangalaga po sa mga health workers natin. E bakit hindi nabibigyan ng sapat? Alam nating sila ‘yung mga heroes natin. Sila ‘yung mga bayani natin… na talagang nagsasakripisyo. Kaya dapat sila’y ma-compensate nang maayos sa kanilang ginagawa at mabigyan nang maayos na working situation na hindi naman sila magkakasakit at marami na tayong mga healthcare workers na nagkasakit at namatay dahil sa pandemyang ito,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi rin ni Bishop Pabillo na dapat ring pangalagaan ng ahensya ang kapakanan at kaligtasan, hindi lamang ng mga medical workers kundi lahat ng mamamayan.
Tinukoy nito ang overpricing ng DOH sa mga gamit na malaki sana ang maitutulong sa mga nangangailangan ng serbisyongvmedikal.
“Pangalawa, pangangalaga hindi lang sa mga healthcare workers, [kundi] pangangalaga [rin] sa mga tao. Kaya ‘yung nakakagalit na budget para sa mga tao ay hindi naibibigay o kaya overpricing pa ang ginagamit. May mga tao pang yumayaman dahil po sa pangyayaring ito,” ayon sa Obispo.
Giit ni Bishop Pabillo, dapat lamang itong panagutan ng ahensya sapagkat sila ang may hawak ng pondo na dapat ay para sa ikabubuti ng mamamayan at hindi para sa pansariling interes lamang.
“Kaya dapat talaga malaking pananagutan ang ating DOH tungkol d’yan kasi sila yung may hawak ng pera. Paano sila hihingi ng mas malaking pera na hindi pa naibibigay? ‘Yung mga nandyan hindi naman nila nagagastos pala,” giit ni Bishop Pabillo.
Nasasaad sa ulat ng COA ang mahigit sa P67.3-bilyong unused or misused COVID-19 funds ng DOH na kinabibilangan ng P11.9-bilyong halaga ng unused risk allowance and hazard pay; P1.2-bilyong unutilized and undelivered equipment; at P2.8-bilyong idle para sa infrastructure projects.
Kabilang rin dito ang P95-milyong halaga ng expired, idle drugs and medicines; P4.6-bilyong pondo para sa public health; P65.3-milyong kakulangan sa procurement of assets; at nasa P557.7-milyong excessive and unnecessary expenditures.
Bukod pa rito ang hindi nagamit na P3.4-bilyong foreign aid para sa COVID-19 response efforts ng DOH noong 2020.
Samantala, binigyang pansin din ni Bishop Pabillo ang hindi nabayarang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa mga ospital sa bansa na nagkakahalaga ng P21.1-bilyon.
Ang utang na ito ng PhilHealth sa mga health facilities sa bansa ang dahilan ng pagsasara ng ilang ospital at nakaapekto rin sa mga medical workers kasabay ng pakikipaglaban ng bansa sa panibagong bugso ng mga kaso ng COVID-19 bunsod ng Delta variant.
“Ganun din ang PhilHealth natin na marami pa ring mga ospital na hindi nabibigyan, naco-compensate sa kanilang mga pagsisikap. So ‘yan po’y dapat talagang bigyan ng halaga,” saad ni Bishop Pabillo.
Matatandaang noong nakaraang taon, ibinunyag ni Atty. Thorsson Keith, dating anti-fraud legal officer ng ahensya ang nawawalang P15-bilyong pondo na ibinulsa ng ilang matataas na opisyal ng PhilHealth na hanggang ngayon ay wala pa ring napaparusahan at napapanagot.




