229 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na gunitain at parangalan ang mga ina sa lipunan.
Ayon kay pahayag ni Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, ito ay mahalagang araw para mabigyan ng pagpupugay ang mga ina na nagsusumikap para itaguyod ang pamilya.
“As we celebrate Mother’s Day, let us remember with gratitude and with appreciative heart the sacrifices and services of our mothers,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ayon sa obispo, marapat ipagpasalamat sa Panginoon ang pagkaloob ng mabuting ina sa bawat tahanan na nagsisilbing liwanag at gabay ng pamilya lalo na sa mga anak.
Sinabi pa ni Bishop Santos na hangad ng bawat ina ng tahanan ang ikabubuti ng mga anak sa kinabukasan at sa pamamagitan din ng mga ina ay naipahahayag sa mga anak ang dakilang pag-ibig ng Diyos na ipinaramdam sa mga anak sa pamamagitan ng pagkalinga at pag-aaruga.
Ipinapanalangin din ni Bishop Santos ang mga ina na Overseas Filipino Workers na nagsasakripisyong malayo sa pamilya upang mabigyang magandang kinabukasan ang mga anak.
“We pray for them especially the mothers who are OFWs for their safety, security and sound health. We thank God for giving us mothers. What we are now is because of their love for us, let us what they want us and remind us to be, that is, mabait at magalang na bata, sa paglaki ay matagumpay at maipagmamalaking anak,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Sa tala nga ng Philippine Statistics Auhtority sa mahigit 10-milyong OFW sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, higit 5-milyon dito ay pawang kababaihan na nagsisilbi sa mga bansang Middle Easts, Europa, Amerika at iba’t ibang bansa sa Asya.
BOTO PARA KAY INAY
Hinikayat din ni Bishop Santos ang mahigit 60 milyong botante na sa darating na halalan, piliin ang mga kandidatong nararapat mailuklok sa bayan na ikatutuwa ng mga ina.
Dapat pagnilayan ayon sa obispo ang pagpili ng mga taong tulad ng mga ina na handang magsakripisyo at buong pusong maglingkod sa mga Filipino, magpakita ng tunay na pagmamahal sa bayan at mamamayan.
“And as we are going to vote after Mother’s Day, let us cast our vote which will make our mothers happy and proud of us. So like our mothers we do all with sincerity, at the service of what and whom we love, and for safety of all the families. My prayerful greetings of happy Mother’s Day,” saad pa ni Bishop Santos sa Radio Veritas.