9,926 total views
Binatikos ng EcoWaste Coalition ang patuloy na pagbebenta ng mga ilegal na produktong pampaputi at pampaganda ng balat na mapanganib sa kalusugan.
Ayon kay EcoWaste national coordinator Aileen Lucero, ang patuloy na paggawa, pag-aangkat, at pagbebenta ng mga nakalalasong produktong may mercury ay nakakabahala at hindi katanggap-tanggap para sa kapakanan at kaligtasan ng kalusugan ng publiko.
Sinabi ni Lucero na sa kabila ng pagsisikap ng Food and Drug Administration at mga environmental health group, patuloy pa rin ang pagpasok ng mga nakalalasong produkto na mapanganib sa kalusugan at kapaligiran.
“Law enforcement needs to be strengthened nationally and across borders to deal with this toxic menace,” pahayag ni Lucero.
Batay sa huling pagsusuri ngayong Enero, na itinalaga bilang Zero Waste Month, natuklasan ng grupo ang 584 parts per million (ppm) ng mercury sa produktong Aura White Night Cream Intensive Whitening Facial Cream na binili mula sa isang online seller sa halagang ₱265.
Sa ilalim ng ASEAN Cosmetic Directive, ang mercury bilang heavy metal contaminant ay hindi dapat lumagpas sa one (1) ppm.
Ipinaliwanag naman ni Lesley Onyon, Chemical Safety and Health Unit head ng World Health Organization (WHO) Department of Environment, Climate Change and Health, na ang pinsalang dulot ng mercury salts sa skin lightening products ay hindi lamang limitado sa balat, kundi maaari ring makapinsala sa kidneys at nervous system, at maiuunay sa pagkakaroon ng anxiety, depression, at psychosis.
Dagdag pa ng opisyal ng WHO, na bukod sa gumagamit ng produkto, maaari ring maapektuhan ng mercury ang kalikasan.
“For example, when creams or skin-lightening soaps are washed off…There is a significant danger of methylmercury bioaccumulation in fish which, when eaten, can impact children’s neurological development. So, while skin lightening may be a personal choice, it has an impact on others,” ayon kay Onyon.
Muli namang hinikayat ng EcoWaste Coalition ang publiko na higit na pahalagahan at yakapin ang likas na kulay ng balat at huwag magpadala sa mapanganib na kemikal na pampaputi.
Nakasaad sa Katuruang Panlipunan na bagamat sang-ayon ang simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangang matiyak na ang negosyo nito’y walang masamang epekto sa kalusugan ng tao at kalikasan.




