188 total views
Positibo ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na magiging maganda ang patutunguhan ng isinagawang preliminary talks ng mga kinatawan ng susunod na Administrasyon at National Democratic Front of the Philippines sa Oslo, Norway noong nakalipas na linggo.
Pagbabahagi ni Renato Reyes, Jr.-Secretary General ng Bayan, magandang panimula ang muling pagsusuri ng magkabilang panig sa mga nauna ng nalagdaang kasunduan kabilang ang pagpapalaya sa mga political prisoners o bilanggong pulitikal.
“Nag-schedule na sila ng formal talks sa ikatlong linggo ng Hulyo at mukhang maganda rin naman yung pagsisimula ng usapang ito kasi pinag-uuspan na yung pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal at pagtataguyod nung mga dati ng mga napirmahang kasunduan, ibig sabihin hindi tayo nagsisimula sa zero, so meron tayong pinanghahawakan mula doon sa nagdaan..” Ang bahagi ng pahayag ni Reyes sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa ulat, lumagda ang magkabilang panig ng kasunduan kaugnay sa tigil-putukan kasabay ng muling pagsusuri at pag-sasaayos sa nilalaman ng una ng nilagdaan ng dalawang panig na Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG.
Samantala, batay sa tala ng Karapatan (Alliance for the Advancement of Poeple’s Rights) mula sa pinakahuling tala noong ika-31 ng Mayo, 297 mula sa 509 na political prisoners ang ilegal na inaresto sa ilalim ng Administrasyon Aquino, sa bilang na ito 18 ang naitalang mga peace consultants ng N-D-F-P, 88 ang may karamdaman, 48 naman ang mga matatanda habang tinatayang nasa 74 na mga detainees naman sa buong bansa na nananatili wala paring hatol sa higit na 10-taon.
Una ng binigyang diin ni Pope Francis na hindi kailanman makakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng pag-aarmas kundi sa isang payapang dayalogo.