190 total views
Nagpapatuloy ang Diocese of Ipil Zamboanga-Sibugay sa kanilang Hapag-Asa feeding program.
Ayon kay Joy Teves, Hapag-Asa Coordinator ng Diocese, nasa 9,602 na ang napakain nilang mga bata na may gulang 5 taon pababa mula nang magsimula sila noong October ng 2012.
Dagdag ni Teves, naka focus sila sa mga munisipyo at mga parokya na may mataas ang kaso ng malnutrisyon sa mga bata na umaabot sa 33 porsiyento.
“Isa sa areas na mataas ang kaso ng malnutrisyon dito kaya ang diocese natin merong programa para sa malnourished children ang Hapag-Asa sa diocese of Ipil, 22 parishes ito sa 16 na municipalities on going ang feeding program, 33% malnourished every 100 ay 0-5 yrs old, na-reached out na ng programa…9,602 for the last 3 years ang napakain na for the period of 6 months, may sistema sa pagpapakain sa mga bata, na achieved ang kanilang kalusugan October 8, 2012.” Pahayag ni Teves sa panayam ng Radyo Veritas.
Pahayag pa ni Teves, maliban sa pagpapakain, tinitingnan din nila ang kalusugan ng mga bata gaya na lamang ng “Deworming” upang tuluyan na silang maging malusog.
Ang Hapag-Asa Feeding Program ang maituturing na pangunahing programa ng Pondo ng Pinoy na itinatag ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004 upang mangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan at hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para sa pagtulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan.
Noong 2015 umabot sa 21,000 malnourished na mga bata ang napakain at natulungan ng Pondo ng Pinoy sa loob ng anim na buwan, habang nasa 25,000 o higit pang mga bata ang target nitong matulungan ngayong taon.
Ang Hapag-asa feeding program ng Pondo ng Pinoy ay bilang tulong na rin sa pamahalaan upang maibsan ang kagutuman ng mga mahihirap sa bansa lalo na ng mga bata.