22,372 total views
Nanawagan ang Obispo ng Diyosesis ng Borongan sa bawat mamamayan na piliin ang pagbabago sa nalalapit na halalan sa bansa.
Sa liham pastoral ni Borongan Bishop Crispin Varquez kaugnay sa nakatakdang 2025 National and Local Election sa Mayo ay nanawagan ang Obispo sa bawat isa na manalangin, kumilos, at mapuspos ng pag-asa para sa nalalapit na eleksyon.
Ayon kay Bishop Varquez, mahalagang gawin at piliin ng bawat isa ang tama at matuwid para nakatakdang halalan sa ika-12 ng Mayo, 2025.
“Bilang inyong obispo, at sa ngalan ng kaparian at iba pang mga punong-lingkod ng Simbahan sa ating diyosesis, muli akong nakikiusap sa inyo na gawin ang tama at matuwid sa larangan ng pulitika. Lalo kong pinauukulan dito ang lahat ng gagawin natin kaugnay ng Eleksyon sa Mayo 12, 2025.” Bahagi ng liham pastoral ni Bishop Varquez.
Pagbabahagi ni Bishop Varquez, bagamat hindi larangan ng mga lingkod ng Simbahan ang pulitika ay naaangkop pa rin ang pakikisangkot ng mga obispo at pari ng Simbahan sa paghahanda at pagbabantay sa kabuuang proseso ng papalapit na halalan bilang mga Kristiyanong Pilipino.
Paliwanag ni Bishop Varquez na siya ring tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Office on Women, tungkulin ng mga lingkod ng Simbahan na gabayan ang bawat isa sa anumang may kaugnayan sa moralidad kabilang na ang moralidad sa buhay-pulitika, at pangangasiwa sa kapakanan ng taumbayan.
“Bagamat ang pakikipartido sa pulitika ay hindi larangan ng mga obispo at pari ng Simbahan, yayamang nasasangkot ang moralidad sa buhay-pulitika, gampanain at katungkulan naming “maghain ng kahatulang moral maging sa mga bagay sa pulitika, kung kakailanganin para sa karapatang pantao at kaligtasan ng mga kaluluwa.” Ayon kay Bishop Varquez.
Apela ng Obispo sa bawat mamamayan ang sama-samang pananalangin sa paggabay ng Panginoon sa bawat isa upang mahusay at matalinong kumilos at bumoto para sa kabutihan, kaayusan at kasaganahan ng bansa.
“Sa ganang ito, hinihimok namin kayo, una sa lahat, na samahan kaming mag-alay ng mga panalangin upang tulungan tayo ng Panginoon upang bumoto at kumilos nang mahusay alang-alang sa ikabubuti ng lahat at para sa ibang mahahalagahang pangangailangan ng ating bansa.” Dagdag pa ni Bishop Varquez.
Inanyayahan naman ng Obispo ang lahat na huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng kasalukuyang kalagayan ng bansa lalo’t higit ang mga dukha.
Ayon kay Bishop Varquez sa paggunita ng Simbahan sa Jubilee Year of Hope ngayong taon ay marapat lamang na higit na panghawakan ng bawat isa ang pag-asang hatid ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Kaugnay nito kalakip ng liham pastoral ni Bishop Varquez na may titulong “Manalangin, Kumilos, at Mapuspos ng Pag-asa: Piliin ang Pagbabago” para sa nalalapit na halalan ang mga mungkahi at payo para sa mahusay at matalinong pakikisangkot sa nalalapit na eleksyon kabilang na ang masusing pagsusuri sa mga kandidato at pagpapahalaga sa kasagraduhan ng boto ng bawat isa.