624 total views
Umaasa ang grupong MARCHA o Movement & Alliance to Resist China’s Aggression na hindi tatagal ang China sa pressure ng malalaking bansa kaugnay ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumabor sa Pilipinas sa pinag-aagawang West Philippine Sea (dating South China Sea).
Ayon kay Roilo Golez, head ng MARCHA, sa simula pa lamang binabatikos na ng international community ang China dahil sa nine dash line claim nito na pasok sa exclusive economic zone ng ibat-ibang mga bansa gaya ng Pilipinas.
“Oo yan ang posisyon nila ngayon pero hanggang kailan nila mare-resist at mahaharap ang batikos ng international community, di pa naman lumalabas ang arbitral tribunal ruling na ito nananawagan na ang malalaking bansa na dapat igalang ng lahat ng parte ang desisyon ng arbitral tribunal lalo na ngayong lumabas ito. Sigurado katakot-takot na batikos at pressure ang kanilang tatanggapin, pero baka bukas, makalawa, next month next year hindi nila matitiis ang batikos na haharapin nila dito,” pahayag ni Golez sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, ayon kay Golez, hindi dapat mabahala ang Pilipinas sa China bagama’t una na itong nagsabing hindi susundin at hindi kinikilala ang anumang desisyon o ruling sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
“Ang daming tutulong sa atin dito, hindi tayo nag-iisa dito, US, EU, India, Japan, UN, G-7, at hindi lang tayo ang makikinabang dito dahil may iba pang bansa ang apektado ng 9 dash line ng China gaya ng Brunei, Malaysia, Vietnam, dahil pinapasok din ang kanilang economic zone ng China pati Indonesia ramdam na rin ang pressure dahil ang fishing vessel ng China pumapasok din, pero ngayon, itutulak sila palayo sa desisyon na ito na may dokumentong nagsasabing ang China ay walang karapatan na mag claim ng ganoong kalaki,” ayon pa kay Golez.
Sa desisyon ng arbitral tribunal, binabalewala nito ang nine dash line ng China, may karapatan ang mga mangingisda sa Pilipinas na mangisda sa Scarborough Shoal na inaangkin ng China at ang mischief reef ay itinuturing na bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas at binatikos din ng tribunal ang pagsira ng China sa coral reef nang gumawa sila ng artificial islands na sinasabing dapat silang managot dahil ito ang pinakamalaking pinsala sa coral reef sa kasaysayan.
Ang West Philippine Sea ay may sukat na 3.5 milyong kuwadrado kilometro.
Una nang inihayag ni Justice Antonio Carpio na base sa kasaysayan hindi sakop ng China ang West Philippine Sea dahil malayo ito sa kanilang Exclusive Economic Zone kasabay ng pagsasabing kapag nawala ito sa bansa, apatnapung porsyento ng pinagkukunang-yaman ng Pilipinas ang mawawala, tulad na lamang ng mga isda, enerhiya at iba pa.
Una na ring inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na kinakailangan na ang yaman ng nasabing isla ay paghati-hatian ng mga maliliit na bansang nakapaligid dito.