11,315 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. bilang bagong pinunong pastol ng Diocese of San Pablo.
Ang 55-taong gulang na si Bishop Maralit ang hahalili sa naiwang posisyon ng nagbitiw na si Bishop-emeritus Buenaventura Famadico dahil sa kondisyong pangkalusugan.
Sa isinapublikong pahayag ng Diyosesis ng San Pablo na inilatha sa official website ng diyosesis ay nagpahayag ng buong pusong pangsasalamat at pagtanggap ang buong sambayanan ng diyosesis kaisa ng mga kaparian, mga relihiyoso at relihiyosa, at ang mga layko sa pagkakahirang kay Bishop Maralit bilang ikalimang Obispo ng San Pablo.
Ang pagkakatala rin kay Bishop Maralit ay itinuturing na isang regalo ng Diyosesis ng San Pablo lalo na para sa papalapit na Jubilee Year 2025 o Taon ng Jubileo sa susunod na taon na may temang “Pilgrims of Hope”.
Naniniwala rin ang Diyosesis ng San Pablo na mahalaga ang biyaya ng pagkakaroon ng bagong Obispo upang magsilbing gabay sa ganap na pagsusulong sa pagsasakatuparan ng panawagan ng Santo Papa Francisco na pagkakaroon ng Simbahang Sinodal lalo na’t naaakma rin ang episcopal motto ni Bishop Maralit na Fiat mihi secundum Verbum tuum (Let it be done to me according to your word) para sa pagtutulungan at ganap na pagkakaisa ng buong diyosesis para sa iisang hangarin at misyon bilang isang Simbahan.
“The appointment of Bishop Junie comes as a gift to the Diocese of San Pablo as we approach the Jubilee Year 2025. As the theme of the Holy Year suggests, we are all Pilgrims of Hope, and now God sends us a pastor who will lead us towards the path of synodality. Fiat mihi secundum Verbum tuum (Let it be done to me according to your word)—Bishop Junie’s episcopal motto—will bring us to a collaborative action as one diocese.” Bahagi ng pahayag ng Diyosesis ng San Pablo.
Ang Diyosesis ng San Pablo ay ‘sede vacante’ sa loob ng isang taon na pansantalang pinangasiwaan bilang apostolic administrator ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara.
Inanunsyo ng Vatican ang pagtatalaga kay Bishop Maralit bilang bagong Obispo ng San Pablo noong ika-21 ng Setyembre, 2024 ganap na alas-dose ng tanghali oras sa Roma isang taon makalipas na tanggapin ng Santo Papa ang pagbibitiw ni Bishop Famadico.
Ipinanganak sa Maynila noong May 18, 1969 si Bishop Maralit ay nag-aral at naordinahang pari sa Arkidiyosesis ng Lipa noong March 13, 1995.
Itinalaga si Bishop Maralit bilang ika-apat na Obispo ng Diyosesis ng Boac noong December 31, 2014 kung saan naganap ang episcopal ordination ng Obispo noong March 13, 2015 na sinundan ng pagluluklok sa kanya sa katungkulan apat na araw ang nakalipas noong March 17, 2015.
Sa kasalukuyan ay nagsisilbi rin si Bishop Maralit bilang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Communications