321 total views
Tinagurian ni Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz na “population control” ang laganap na patayan sa nakalipas na isang taong panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pinakahuling tala ng Philippine National Police mula ng magsimula ang Oplan Tokhang noong July 1, 2016 hanggang ika-20 Hunyo 2017, mahigit sa 63,900 ang isinagawang operasyon ng mga otoridad kung saan 3,200-katao ang namatay matapos lumaban sa mga pulis habang nasa 3,560 ang kaso ng death under investigation o sinasabing extra-judicial killings.
Ayon kay Archbishop Cruz, mura ang halaga ng buhay sa nakalipas na isang taon ng administrasyong Duterte dahil sa kawalang paggalang sa buhay ng tao lalo na sa kampanya kontra iligal na droga.
“Naging mura ang buhay, 24/7 may patayan, mula umaga hanggang gabi ay tuloy ang patayan. Kaya nagbiro ako, palagay ko masamang biro, nasabi kong itong mga namamatay na marami, minsan ilalagay sa supot, ilalagay sa maleta at itatapon sa bangketa. Maganda ito pang control ng population, sa makatuwid population control means po ito,”pahayag ng Arsobispo sa Radio Veritas
Binigyang diin ng Arsobispo na hindi dapat minamaliit kungdi binibigyan ng mas mataas na paggalang ang buhay na biyaya ng Panginoon sa tao.
Iginiit ni Archbishop Cruz na ang bawat tao ay may karapatang mabuhay na hindi dapat alisin ng sinuman.
Sinabi ng Arsobispo na kapag inalis ang “right to life” ay magiging inutil ang lahat ng human rights o karapatang pantao.
“Kidding aside, it is a pity that human life has become very cheap, alam niyo kapag inalis yung right to life, lahat ng human rights na pag-usapan niyo ay inutil, duon kase nakasalalay lahat ng human rights sa right to life, tanggalin niyo yun anong tutungtungan ng ibang human rights.”pahayag ng Arsobispo
Ikinababahala naman ni Kalookan Bishop Virgilio Pablo David ang umiiral na kultura ng takot sa mga Pilipino kaugnay sa tumaas na kaso ng E-J-K sa bansa.
Read: Namamayaning kultura ng takot, ikinababahala ng Obispo ng Kalookan
Sa kabila nito, tinukoy ni Archbishop Cruz ang natatanging katangian ni Pangulong Duterte na pagiging malinis mula sa graft and corruption.
Inihayag ng Arsobispo na kung ang nakaraang administrasyon ay reincarnation o pag-ulit ng mga naganap na katiwalian at pagnanakaw sa pondo ng bayan, ang kasalukuyang administrasyon ay hindi kinakamkam ang pera ng mamamayan.
Naniniwala naman ang Arsobispo na mahuhuli at pananagutin ng Pangulong Duterte ang ilang nanunungkulan sa pamahalaan na gumagawa ng katiwalian.
Sa Lunes ika-24 ng Hulyo muling mag-uulat si Pangulong Duterte sa mamamayan sa kanyang ikalawang State of the Nation Address.
Kabilang sa inaasahang matatalakay ng Pangulo ang usapin sa Extra Judicial Killings, War on Drugs, Death Penalty Bill, kaguluhan sa Marawi City at extension ng martial law sa Mindanao.