177 total views
Hinimok ni Diocese of Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez ang mamamayan lalo na ang mga kandidato na simulan nang linisin ang mga ikinalat nitong posters, tarpaulins, at sample ballots.
Ayon sa Obispo, nanalo man o natalo ang mga kandidato, mahalagang ipakita nito sa mamamayan ang tunay na serbisyong paglilingkod sa taumbayan sa pamamagitan ng pangunguna sa paglilinis sa mga duming idinulot ng eleksyon.
Iginiit naman ni Bp. Gutierez na maging ang COMELEC ay kailangang tumulong sa paglilinis ng mga ginamit sa eleksyon at tiyakin ang seguridad ng mga kagamitan nito.
“Be diligent and clean, before election e marami nang mga sample ballots na kumakalat so we should try to clean the environment and yung sa ComElec you should try to get all your equipments and deposit them secure them.” Pahayag ni Bp. Gutierez.
Kaugnay dito, sinimulan na ng Ecowaste Coalition ang post-election clean up ngayong araw sa Project 6 Elementary School, Rd. 2, Cor. Rd. 6, Project 6, Quezon City.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng grupo, tuwing eleksyon ay pinangungunahan nila ang paglilinis sa mga campaign paraphernalia at tinuturuan ang mga mamamayan sa mga barangay kung paano ito muling magagamit.
Ayon kay Lucero, ang ilang maayos na plastics at tarpaulin ay maaaring magamit pa at gawing notebook cover o bag. Bukod dito, ang bahagi naman ng mga sample ballots na walang sulat ay maaring muling magamit bilang note pad. Iminungkahi rin nitong muling gamitin ang makakapal na posters bilang folder o envelop.
“Kasi ito ay merong panibagong buhay, yung mga tarpaulins ay pwede natin gawing bag o iba pang mga gamit na may kapakinabangan pa at hindi lamang dalin sa dumpsite, sa landfill o hindi dapat sinusunog.” Pahayag ni Lucero.
Samantala, nais rin ni Lucero na mapaigting ang pagpapatupad sa “No Clean Up, No Proclamation Policy,” dahil aniya, bagamat may inilunsad na programa ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, ay hindi naman ito gaanong napagtutuunan ng pansin at sinusunod lalo na sa local level.
“Ito ay maganda kung ito ay ipatutupad, kaya lang dun sa ilang lugar na nagkaron na ng proklamasyon pero hindi pa nag-clean up, parang hindi yata nasasabuhay o hindi natin nakikita yung katotohanan nitong “No Clean up No Proclamation kasi marami nang mga syudad na nag proclaim na.” Dagdag ni Lucero.
Noong 2010, ayon sa MMDA umabot sa labinlimang truck ng campaign posters, tarpaulins, sample ballots at lalagyan ng pagkain ang kanilang nakolekta.
Magugunita namang nitong Enero 2016, naglunsad ang Department of Environment and Natural Resources kasama ang Department of Interior and Local Government at Commission on Elections ng Basura –Free Election 2016 upang tiyakin ang maayos na pag-dispose sa mga basura.(Yana Villajos)