7,796 total views
Ipatutupad ng Diocese of Cubao ang ‘Posture of Kneeling’ o pagluhod ng mananampalataya habang inuusal ang Eucharistic Prayer sa pagdiriwang ng banal na misa.
Sa sirkular na inilabas ni Bishop Elias Ayuban, Jr., CMF, pinagtibay nito ang napagkasunduan sa 128th plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ipagpatuloy ang nakagawiang pananatiling nakaluhod sa ‘consecration’ hanggang sa ‘Doxology’ o ang Great Amen.
Batay sa General Instruction of the Roman Missal (GIRM) pinahintulutan nito ang Bishops’ Conferences na magtakda ng mga alintuntunin hinggil sa wastong kilos at pananatili ng katawan sa pagdiriwang ng banal na Eukaristiya.
“This decision deepens our reverence for Christ’s presence in the Eucharist and aligns with the CBCP’s existing directives and the GIRM. As the Church calls us to a unified posture during the Eucharist, may this practice strengthen our identity as Catholic Christians. Let us worship the Lord together in spirit and truth,” bahagi ng pahayag ni Bishop Ayuban.
Ipatutupad ng diyosesis ang kautusan sa April 17, 2025, Huwebes Santo, sa lahat ng nasasakupang parokya kaya’t hinimok ni Bishop Ayuban ang mga pari na gabayan ang nasasakupang kawan.
Bilang paghahanda ng diyosesis inatasan ni Bishop Ayuban ang Diocesan Ministry for Liturgical Affairs at Social Communications Ministry na lumikha ng Catechetical Series para sa lahat ng media platforms ng diyosesis at mga parokya upang magbigay katesismo sa mananampalataya.
Sa March 23, sa ikatlong Linggo ng Kuwaresma, tatalakayin sa katesismo ang kasaysayan ng pagtayo at pagluhod sa mga gawain ng simbahan mula ika – 12 siglo; sa March 30, ang Theology ng pagluhod bilang paraan ng pagsamba; sa April 6 ang ikalawang bahagi ng Theology habang sa April 13 naman ang desisyon ng CBCP hinggil sa Unity in Worship.