23,618 total views
Nagkasundo ang Federation of Asian Bishops’ Conferences (FABC) para sa pagtatatag ng isang bagong Commission for Synodality.
Pangungunahan ni Filipino Cardinal, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David bilang chairman, ang bagong Commission for Synodality ng FABC katuwang ang pitong miyembro ng kumisyon na kinabibilangan rin ng dalawa pang Pilipino.
Layunin ng bagong Commission for Synodality na pangasiwaan ang patuloy na pagpapalakas sa pangako ng Simbahan sa pagsusulong ng synodality sa buong Asya.
Ayon sa pamunuan ng FABC, mahalaga ang patuloy na pagsusulong ng Simbahan sa rehiyon sa panawagan ng Santo Papa Francisco sa pagkakaroon ng isang ganap na Simbahang sinodal.
Naganap ang pagtatag sa bagong kumisyon sa katatapos lamang na FABC Central Committee’s annual meeting sa Camillian Centre sa Bangkok, Thailand noong ika-12 hanggang ika-13 ng Marso, 2025.
Si Cardinal David ang kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at vice president ng FABC.
Makakatuwang ni Cardinal David sa pangangasiwa sa bagong Commission for Synodality ang itinalaga bilang executive secretary ng kumisyon na si Fr. Clarence Devadass – isang Malaysian priest na matagal ng kasapi ng FABC Office of Theological Concerns kasama ang pitong magsisilbing miyembro ng kumisyon mula sa iba’t ibang kasaping bansa ng FABC.
Kabilang naman sa mga miyembro na bubuo sa bagong Commission for Synodality ng FABC sina Rev. Fr. William LaRousse, MM (FABC Central Secretariat), Dr. Christina Kheng (Singapore), Rev. Fr. Vimal Tirimana, CSsR (Sri Lanka), Ms. Estella Padilla (Philippines), Ms. Momoko Nishimura, SEMD (Japan), Rev. Fr. Enrico Ayo (Philippines), and Sr. Lalitha Thomas, SJT (India).
Ang lahat ng mga miyembro ng komisyon ay pawang aktibong lumahok sa parehong sesyon ng Synod on Synodality sa Roma kaya naman inaasahang ang kanilang mahalagang maiaambag kaugnay sa proseso at sa mga praktikal na aplikasyon nito para sa Asya.