8,677 total views
Hinikayat ni Balanga Bishop Rufino Sescon, Jr., ang nasasakupang mananampalataya na magkaisa sa misyong palaguin ang kristiyanong pamayanan sa lalawigan ng Bataan.
Sa mensahe ng obispo sa ika – 50 anibersaryo ng pagkatatag ng Diocese of Balanga umaasa itong magiging mukha ng kaharian ng Diyos ang diyosesis na nagbubuklod sa pag-ibig.
“Ang diyosesis nawa natin ay maging salamin ng kaharian ng Diyos kung saan ang naghahari ay pagmamahal, awa, pagkakaisa, at ito ay ating ihahasik para mas marami pa ang maging kapanalig ng ating Panginoong Hesukristo,” bahagi ng mensahe ni Bishop Sescon.
Tema sa pagdiriwang ng ikalimang dekada ng diyosesis ang ‘Magtipon, Maglakbay at Maghasik’ na layong paigtingin ang panawagan sa mga kapwa manlalakbay na makiisa sa mga gawaing naghahasik, nagpapalaganap ng mabuting balita, at nagpapatotoo sa Diyos upang higit pang maipakilala si Hesus sa pamayanan.
Batay sa kasaysayan March 17, 1975 nang maitatag ang diyosesis sa pamamagitan ng papal bull Quoniam ad Recte Universum, na dating nasasakop ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga.
Naitalagang unang obispong nangasiwa sa diyosesis na may mahigit 200-libong katoliko si Bishop Celso Guevarra hanggang magretiro noong 1998.
Nagsilbing ikalawang obispo ng Balanga si Bishop Honesto Ongtioco hanggang 2003 bago mailipat sa Diocese of Cubao.
Mula 2004 hanggang 2009 pinamunuan ni Archbishop Socrates Villegas ang diyosesis na sinundan ni Bishop Ruperto Santos mula 2010 hanggang 2023.
Nitong 2025 sa pagdiriwang ng ikalimang dekada ng diyosesis ay nagsimula rin si Bishop Sescon sa kanyang gawaing pagpapastol sa mahigit kalahating milyong mananampalataya sa lalawigan ng Bataan kasama ang hunmigit kumulang 60 mga pari sa 38 mga parokya.
Kaugnay nito pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang misa pasasalamat sa Cathedral Shrine-Parish of Saint Joseph sa Balanga City sa alas 5:30 ng hapon.