532 total views
“Ang tunay na pag-ibig ay pagbuo ng pagkatao ng taong minamahal.”
Ito ang binigyang diin ni Pro-Life Philippines Foundation Inc. President Rita Linda Dayrit sa nalalapit na paggunita ng Valentine’s Day sa ika-14 ng Pebrero.
Ayon kay Dayrit, kasabay ng Valentine’s Day ang paggunita ng Pro-Life Sunday na pagkakataon nang pagpapamalas ng tapat at tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng paggalang sa taong minamahal lalo na’t sa katawan ng tao ay tahanan ng Banal na Espiritu.
Paliwanag ni Dayrit, ang tunay na pag-ibig ay dapat na nagsisilbing gabay sa pagbuo ng pagkatao ng taong minamahal bilang paghahanda sa kanyang hinaharap.
“True love builds, true love respects the unrepeatability of the person so, ngayong Valentine’s Day is a perfect time for you to express your true love by respecting the person. True love always prepares the other person for his or her future,” ang bahagi ng pahayag Dayrit sa panayam sa Radio Veritas.
Pinapaalalahanan din ni Dayrit ang mga kabataang nasa relasyon na hindi dapat na maging mapusok sa halip ay maging maingat upang maihanda ang kanilang sarili sa kaloob ng Diyos sa kanilang mga buhay.
“Sa mga kabataan na nasa relationship ngayon hindi ka naman sigurado kung kayo ay magkakatuluyang mag-asawa so ang magagawa niyo ngayon tunay na pag-ibig, i-prepare niyo ang bawat isa sa isang magandang future, i-prepare niyo yung boyfriend niyo at girlfriend niyo sa prinipare ng Diyos na asawa para sa kanya, true love builds,” dagdag pa ni Dayrit.
Ayon pa kay Dayrit magkaugnay ang sabay na paggunita ng Pro-life Sunday at ng Valentine’s Day sa ika-14 ng Pebrero sapagkat dahil sa pag-ibig ay binigyang buhay ng Panginoon ang sangkatauhan.
Ginugunita tuwing buwan ng Pebrero ang Pro-life Month na ngayong taon ay may temang “Buhay at Pamilya: Sandigan sa Panahon ng Pandemya”.
Pro-Life Motorcade
Bilang bahagi ng Pro-Life Sunday ang isasagawang ng motorcade ng Pro-life Philippines sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas.
Ayon kay Dayrit dahil sa mga limitasyong ipinatutupad, magsagawa na lamang ng isang caravan upang patuloy na maibahagi ang kamalayan sa kasagraduhan ng buhay ng bawat isa ngayong Pro-Life Month.
Paliwanag ni Dayrit magkaugnay ang sabay na paggunita ng Pro-life Sunday at ng Valentine’s Day sapagkat dahil sa pag-ibig ay binigyang buhay ng Panginoon ang sangkatauhan.
Pagbabahagi ni Dayrit, dapat na magkaroon ng malawak na kamalayan at maging mapagbantay ang bawat isa upang higit na mapangalagaan ang kasagraduhan ng bawat buhay at pamilya.
Ayon pa kay Dayrit, “Sa convoy namin kasi may mga posters kami, may mga posters kami that we are hoping na yung madaanan namin sa kung saan man kami lalakad na makita nilang proteksyunan ang family and life, magkaroon ba ng awareness that we need to be vigilant in protecting family and life.”
Ang caravan ay magsisimula matapos ang misa na pangungunahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa San Roque Cathedral ganap na alas-nuebe ng umaga.
Ang caravan ay magsisimula sa San Roque Cathedral hanggang sa Manila Cathedral.
Tema ng Pro-life Month ngayong taon ang “Buhay at Pamilya: Sandigan sa Panahon ng Pandemya” kung saan ginugunita rin ngayong ikalawang linggo ng Pebrero ang “Respect and Care for Life Week 2021” na pinagtibay ng 1988 proclamation 214 ni dating Pangulong Corazon Aquino.