
Dagat ng basura
42,812 total reads
Mga Kapanalig, hindi lang korapsyon sa mga flood control projects ang umaalingasaw tuwing tag-ulan. Nangangamoy din ang baho ng bigóng pagtugon natin sa krisis ng basura.
Noong nakaraang linggo, tone-toneladang basura ang bumará sa Redemptorist Water Channel sa Parañaque City matapos ang sunud-sunod na araw ng pag-ulan dala ng habagat. Umabot ng higit sa 200 trak ng basura ang nahakot mula sa naturang daluyan ng tubig malapit sa simbahan ng Baclaran. Ayon sa lokal na pamahalaan ng Parañaque, inagos ang basura mula sa mga nakapalibot na lugar sa Manila Bay. Sa ginawang clearing operations, buwis-buhay na lumusong sa dagat ng basura ang mga kawani ng LGU, Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA), at Department of Public Works and Highways (o DPWH) para hakutin ang basura gamit ang backhoe.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na kailangan na raw ng “drastic solutions” sa problema sa basura. Binanggit niyang halimbawa ang waste-to-energy technologies na ibinida ni Pangulong Bongbong Marcos Jr sa kanyang SONA. Suportado rin ng kalihim pati ni MMDA General Manager Nicolas Torre ang mga panukalang magpataw ng mabigat na multa para sa maling pagtatapon ng basura. Pero para kay PBBM, hindi raw mabisang pagmultahin ang maling pagtatapon ng basura kung walang maayos na basurahan. Anong say ninyo, mga Kapanalig?
Lahat ng mga ibinibidang solusyon ng administrasyon ay nakatuon lang sa maayos na waste management system. Sang-ayon tayong mahalaga ito. Pero paano masosolusyunan ang krisis sa basura kung hindi natin puputulin ang ugat ng sobra-sobrang paglikha ng basura? Kumbaga, nagbibigay lang tayo ng bandaid solution kung saan nireremedyohan lang natin ang mga sintomas ng sakit pero hindi naman natin ginagamot ang pinagmumulan nito.
Ayon sa grupong Oceana, habang nakatuon ang administrasyon sa waste-to-energy at pagsisi sa publiko sa pagkakalát, hindi nabibigyang-pansin ang ugat ng krisis—ang plastic pollution at walang habas na paggamit ng single-use plastics na sinusuplay ng mga dambuhalang korporasyon. Dagdag ng grupo, mayroon na tayong Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na nagsasabing dapat bawasan ang paglikha ng basura sa pinagmumulan nito at ipagbawal ang mga produktong nakapipinsala sa kapaligiran. Gaya ng maraming batas, hindi ito buong ipinatutupad ng gobyerno.
Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, sinusuportahan ng Simbahan ang circular o paikot na modelo ng produksyon kung saan nililimitahan ang pagkuha ng mga nauubos na likas-yaman para mapakinabangan ito ng mga susunod na henerasyon. Sa nakasanayang linear o tuwid na sistema natin, kukunin ang likas-yaman, gagawing produkto, panandaliang gagamitin, at itatapon na. Sa circular na sistema, binibigyang-diin ang pag-reduce, reuse, repair, at recycle ng mga produkto. Idinidisenyo ang mga produkto para magamit nang matagal, madaling ayusin kapag nasira, at maaaring i-recycle para mabawasan ang pagkonsumo at paglikha ng basura.
Ilang trahedya sa basura na ang naibalita ngayong taon, kaya alam na dapat natin ito: hindi sapat ang disiplina ng publiko at maayos na waste management system. Nakaugat ang krisis na ito sa modelo ng ekonomiyang kumikita sa paglikha ng basura. Malalim, malawak, at nakabaón sa kultura at mga istruktura ng lipunan ang problemang ito. Pero maaari tayong magsimula sa pagpapatupad ng mga solusyon sa ating tahanan at komunidad, gaya ng pagsusulong at pagsasabuhay ng “sapat lifestyle”. Kasabay nito, ipanawagan natin sa gobyerno ang pagpapatupad ng mga patakarang tinutugunan ang labis na paglikha ng basura. Panagutin din dapat ang mga korporasyong patuloy na yumayaman habang ipinapasa sa publiko ang gastos at epekto ng polusyon.
Mga Kapanalig, tandaan natin ang wika sa Genesis 2:15: inilagay tayong mga tao sa halamanan ng Eden para pagyamanin at pangalagaan ito, hindi para gawin itong dagat ng basura.
Sumainyo ang katotohanan.








