1,832 total views
Biyernes ng Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Santa Angela Merici, dalaga
Hebreo 10, 32-39
Salmo 36, 3-4. 5-6. 23-24. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Marcos 4, 26-34
Friday of the Third Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Angela Merici, Virgin (White)
UNANG PAGBASA
Hebreo 10, 32-39
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo’y nagbata ng matinding hirap matapos na kayo’y maliwanagan, ngunit hindi kayo nadaig. Kung minsan, kayo’y inaalipusta at pinahihirapan sa harapan ng madla, at kung minsan nama’y karamay kayo ng mga kasamahang pinahihirapan nang gayun. Dinamayan ninyo ang mga nabibilanggo, at hindi kayo nalungkot nang kayo’y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. Kaya’t huwag kayong mawalan ng pananalig sa Diyos, sapagkat taglay nito ang dakilang gantimpala. Kinakailangang kayo’y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ang kanyang ipinangako.
Sapagkat,
“Kaunting panahon na lamang, hindi na magluluwat,
at ang paririto ay darating.
Ang tapat kong lingkod ay nabubuhay sa pananalig sa akin,
ngunit kung siya’y tumalikod, hindi ko kalulugdan.”
Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak, kundi sa mga nananalig sa Diyos at sa gayo’y naliligtas.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 3-4. 5-6. 23-24. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ang iyong sarili’y sa Diyos mo ilagak,
pag nagtiwala ka’y tutulungang ganap;
ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ang gabay ng tao sa kanyang paglalakad,
ay ang Panginoon, nang upang maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat ang alalay niya’y Panginoon.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,
iingatan sila pag naliligalig.
Ililigtas sila’t kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat sa Poon nangungubling tunay.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 4, 26-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.”
“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”
Ang Salita’y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Puno ng pag-asa at pananalig, manalangin tayo sa Diyos Ama na nagnanais na lumawak pa ang kanyang presensya sa ating buhay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Manghahasik, gawin Mong mabunga ang aming buhay.
Ang ating Simbahan nawa’y patuloy na umunlad at maging simbolo ng katarungan, pag-ibig, at katotohanan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Bilang isang komunidad nawa’y hindi tayo maging pabaya sa ating buhay pananampalataya, bagkus asamin natin ang Diyos araw-araw maging sa mga pagsubok at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pamilya, lalo na ang mga bata, nawa’y lumago at lumaki sa pamamaraan ng biyaya at umunlad na sinasalamin sa kanilang buhay si Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y lumakas sa pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang pagbabahagi kay Kristo ng kanilang mga pagtitiis, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y anihin nila ang bunga ng kapayapaan, kaligayahan, at katahimikan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tulungan mo kaming maunawaan ang kahalagahan ng panahon ng aming pag-iral. Buksan mo ang aming puso sa iyong salita upang lagi kaming mamunga ayon sa iyong kasiyahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.